mga kwento ng bibliya | Ang Sermon sa Bundok Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus Ang mga Utos
1. Ang Sermon sa Bundok
1) Ang Mga Kapahayagan (Mat 5:3-12)
2) Asin at ang Ilaw (Mat 5:13-16)
3) Kautusan (Mat 5:17-20)
4) Galit (Mat 5:21-26)
5) Pangangalunya (Mat 5:27-30)
6) Diborsiyo (Mat 5:31-32)
7) Mga Pangako (Mat 5:33-37)
8) Mata sa Mata (Mat 5:38-42)
9) Mahalin Mo ang Iyong mga Kaaway (Mat 5:43-48)
11) Panalangin (Mat 6:5-8)
2. Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus
1) Ang Talinghaga Ukol sa Manghahasik (Mat 13:1-9)
2) Ang Talinghaga Ukol sa mga Panirang Damo (Mat 13:24-30)
3) Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa (Mat 13:31-32)
4) Ang Talinghaga Ukol sa Lebadura (Mat 13:33)
5) Ang Talinghaga Ukol sa Mga Panirang Damo Ipinaliwanag (Mat 13:36-43)
6) Ang Talinghaga Ukol sa Kayamanan (Mat 13:44)
7) Ang Talinghaga Ukol sa Perlas (Mat 13:45-46)
8) Ang Talinghaga Ukol sa Lambat (Mat 13:47-50)
3. Ang mga Utos
Mateo 22:37–39 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
Tingnan muna natin ang bawat bahagi ng “Ang Sermon sa Bundok.” Ano ang kaugnayan ng lahat ng ito? Maaaring masabi nang may katiyakan na ang lahat ng mga ito ay mas mataas, mas kongkreto, at mas malapit sa mga buhay ng mga tao kaysa sa mga alituntunin sa Kapanahunan ng Kautusan. Kung sasabihin sa makabagong mga pananalita, ito ay mas mahalaga sa mismong pagsasagawa ng mga tao.
“Basahin natin ang tiyak na nilalaman ng mga sumusunod: Paano mo dapat unawain ang mga banal na pagpapala? Ano ang dapat mong malaman tungkol sa kautusan? Paano dapat bigyan ng kahulugan ang galit? Paano dapat makitungo sa mga mapakiapid? Ano ang binabanggit, anong uri ng mga patakaran mayroon tungkol sa diborsiyo, at sino ang makakukuha ng diborsiyo at sino ang hindi makakukuha ng diborsiyo? Paano naman ang mga pangako, mata para sa mata, ibigin mo ang iyong mga kaaway, ang tagubilin ukol sa pag-aabuloy? At iba pa. Ang lahat ng mga bagay na ito ay may kinalaman sa bawat aspeto ng kaugalian sa pananampalataya sa Diyos ng mga tao, at ng kanilang pagsunod sa Diyos. Ang ilan sa mga pagsasagawang ito ay naaangkop pa rin sa araw na ito, nguni’t ang mga ito ay mas sinauna kaysa sa kasalukuyang mga kinakailangan sa mga tao. Ang mga ito ay maituturing na panimulang mga katotohanan na nasasagupa ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Mula sa panahon na nagsimulang gumawa ang Panginoong Jesus, nagsimula na Siyang gumawa sa disposisyon sa buhay ng mga tao, nguni’t ito ay batay sa saligan ng mga kautusan. Ang mga patakaran at mga kasabihan sa mga paksang ito ay may kinalaman ba sa katotohanan? Mangyari pa mayroon! Ang lahat ng naunang mga alituntunin, mga panuntunan, at ang sermon sa Kapanahunan ng Biyaya ay may kinalamang lahat sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at mangyari pa sa katotohanan. Maging anuman ang ipahayag ng Diyos, sa alinmang paraan Niya ito ipahayag, o gamit ang anumang uri ng wika, ang saligan nito, ang pinagmulan nito, at ang pasimula nito ay nakabatay lahat sa mga panuntunan ng Kanyang disposisyon at kung anong mayroon at kung ano Siya. Ito ay walang kamalian. Kaya kahit na ngayong ang mga bagay na ito na Kanyang sinabi ay parang medyo mababaw, hindi mo pa rin masasabi na hindi sila ang katotohanan, sapagka’t sila ay mga bagay na kailangan para sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya nang upang malugod ang kalooban ng Diyos at upang makamit ang isang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Maaari mo bang sabihin na ang alinman sa mga bagay na ito sa sermon ay hindi nakaugnay sa katotohanan? Hindi mo maaaring sabihin! Ang bawat isa sa mga ito ay ang katotohanan sapagka’t ang lahat ng mga ito ay mga kinakailangan ng Diyos para sa sangkatauhan; silang lahat ay mga panuntunan at isang saklaw na ibinigay ng Diyos para kung paano umasal ang sarili, at kinakatawan nila ang disposisyon ng Diyos. Gayunman, batay sa antas ng kanilang paglago sa buhay sa panahong iyon, nagawa lamang nila na tanggapin at maunawaan ang mga bagay na ito. Sapagka’t ang kasalanan ng sangkatauhan ay hindi pa nalulunasan, maaari lamang ibigay ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito, at maaari lamang Niyang gamitin ang gayong kasimpleng mga aral sa gitna ng ganitong saklaw upang sabihin sa mga tao sa panahong iyon kung paano sila dapat kumilos, ano ang dapat nilang gawin, sa gitna ng aling mga panuntunan at saklaw nila dapat gawin ang mga bagay, at kung paano sila dapat maniwala sa Diyos at matugunan ang Kanyang mga kahilingan. Ang lahat ng ito ay napagpapasyahan batay sa tayog ng sangkatauhan sa panahong iyon. Hindi madali para sa mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na tanggapin ang mga aral na ito, kaya kung ano ang itinuro ng Panginoong Jesus ay kailangang manatili sa gitna ng saklaw na ito.
Susunod, tingnan natin kung ano ang nasa “Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus.”
Ang una ay ang talinghaga ukol sa manghahasik. Ito ay isang tunay na kawili-wiling talinghaga; ang paghahasik ng mga binhi ay isang karaniwang pangyayari sa buhay ng mga tao. Ang ikalawa ay ang talinghaga ukol sa mga panirang damo. Kung ang pag-uusapan natin ay ukol sa kung ano ang mga panirang damo, ang sinuman na nakakapagtanim ng mga halaman at ang mga matatanda ay makaaalam. Ang ikatlo ay ang talinghaga ukol sa buto ng mustasa. Alam ninyong lahat kung ano ang mustasa, tama? Kung hindi ninyo alam, maaari ninyong tingnan sa pamamagitan ng Biblia. Para sa ikaapat, ang talinghaga ukol sa lebadura, nalalaman ng karamihan sa mga tao na ang lebadura ay ginagamit sa pagbuburo; ito ay isang bagay na ginagamit ng mga tao sa kanilang mga pang-araw-araw na buhay. Ang lahat ng mga talinghaga sa ibaba, kasama na ang ikaanim, ang talinghaga ukol sa kayamanan, ang ikapito, ang talinghaga ukol sa perlas, at ang ikawalo, ang talinghaga ukol sa lambat, ay hinugot na lahat mula sa mga buhay ng mga tao; lahat ng mga iyon ay mula sa tunay na buhay ng mga tao. Anong uri ng larawan ang ipinipinta ng mga talinghagang ito? Ito ay isang larawan ng Diyos na nagiging isang normal na tao at namumuhay kasama ng sangkatauhan, gamit ang wika ng isang normal na buhay, gamit ang wika ng tao upang makipag-usap sa mga tao at upang ipagkaloob sa kanila kung ano ang kanilang kailangan. Noong naging katawang-tao ang Diyos at namuhay sa gitna ng sangkatauhan sa mahabang panahon, pagkatapos Niyang naranasan at nasaksihan ang iba’t-ibang mga paraan ng pamumuhay ng mga tao, ang mga karanasang ito ay naging Kanyang batayang-aklat para sa pagbabagong-anyo ng Kanyang wika ng pagka-Diyos tungo sa wika ng tao. Mangyari pa, ang mga bagay na ito na Kanyang nakita at narinig sa buhay ay nagpayaman din sa karanasang pantao ng Anak ng tao. Kapag gusto Niyang maunawaan ng mga tao ang ilang mga katotohanan, ipaunawa sa kanila ang ilan sa mga kalooban ng Diyos, maaari Niyang gamitin ang mga talinghaga kagaya ng mga nasa itaas upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga kinakailangan sa sangkatauhan. Ang mga talinghagang ito ay may kaugnayang lahat sa buhay ng mga tao; walang isa man ang malayo sa mga buhay ng tao. Nang ang Panginoong Jesus ay namuhay kasama ng sangkatauhan, nakita Niya ang mga magsasaka na inaasikaso ang kanilang mga bukirin, alam Niya kung ano ang mga panirang damo at kung ano ang lebadura; naiintindihan Niya na gusto ng mga tao ang kayamanan, kaya ginamit Niya pareho ang mga talinghaga ukol sa kayamanan at ukol sa perlas; malimit Niyang makita ang mga mangingisda na naghahagis ng kanilang mga lambat; at iba pa. Nakita ng Panginoong Jesus ang mga aktibidad na ito sa mga buhay ng sangkatauhan, at naranasan din Niya ang gayong uri ng buhay. Siya ay kagaya ng bawa’t iba pang normal na tao, nararanasan ang pagkain ng tatlong beses isang araw ng tao at mga pang-araw-araw na gawain. Personal Niyang naranasan ang buhay ng isang karaniwang tao, at nasaksihan Niya ang mga buhay ng iba. Noong nasaksihan Niya at personal na naranasan ang lahat ng ito, ang inisip Niya ay hindi kung paano magkaroon ng isang magandang buhay o kung paano siya makapamumuhay nang mas malaya, mas may kaginhawahan. Noong nararanasan Niya ang tunay na buhay ng tao, nakita ng Panginoong Jesus ang paghihirap sa buhay ng mga tao, nakita Niya ang paghihirap, ang kaabahan, at ang kalungkutan ng mga tao sa ilalim ng katiwalian ni Satanas, namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at namumuhay sa kasalanan. Habang personal Niyang nararanasan ang buhay ng tao, naranasan din Niya kung gaano kahina ang mga tao na namumuhay sa kalagitnaan ng katiwalian, at nakita Niya at naranasan ang kahapisan nilang namumuhay sa kasalanan, na nangaligaw sa pagpapahirap ni Satanas, ng masama. Noong nakita ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, nakita ba Niya ang mga ito gamit ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang pagkatao? Ang Kanyang pagkatao ay talagang umiral—ito ay buháy na buháy—naranasan Niya at nakita ang lahat ng ito, at mangyari pa, nakita rin Niya sa Kanyang kakanyahan at sa Kanyang pagka-Diyos. Iyon ay, si Cristo Mismo, nakita ito ng Panginoong Jesus ang tao, at ang lahat ng Kanyang nakita ang nakapagpadama sa Kanya ng kahalagahan at pangangailangan sa gawain na Kanyang tinanggap sa pagkakataong ito sa katawang-tao. Bagama’t nalalaman Niya sa Sarili Niya na ang pananagutan na kailangan Niyang tanggapin sa katawang-tao ay napakalawak, at kung gaano kalupit ang pagdurusa na Kanyang haharapin, nang Kanyang nakita na ang sangkatauhan ay mahina sa kasalanan, nang Kanyang nakita ang pagiging aba ng kanilang mga buhay at ang kanilang mahinang pagpupunyagi sa ilalim ng kautusan, nakadama Siya ng ibayong kadalamhatian, at lalo siyang naging aláláng-alálá na mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Hindi alintana kung anumang uri ng mga paghihirap ang Kanyang haharapin o kung anumang uri ng pagkahapis ang Kanyang daranasin, lalo Siyang naging determinado na tubusin ang sangkatauhang namumuhay sa kasalanan. Sa panahon ng prosesong ito, masasabi mong nagsimulang maintindihan ng Panginoong Jesus nang lalong mas malinaw ang gawain na kinailangan Niyang gawin at kung ano ang naipagkatiwala sa Kanya. Lalo ring nadagdagan ang Kanyang kasabikan na tapusin ang gawain na Kanyang tatanggapin—upang akuin ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, upang ipambayad-sala para sa sangkatauhan upang hindi na sila mamuhay sa pagkakasala at malimutan ng Diyos ang kasalanan ng tao dahil sa handog ukol sa kasalanan, nagpapahintulot sa Kanya na ipagpatuloy ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Maaaring masabi na sa puso ng Panginoong Jesus, nakahanda Siyang ialay ang Sarili Niya para sa sangkatauhan, upang isakripisyo ang Sarili Niya. Nakahanda rin Siyang umakto bilang handog para sa kasalanan, magpapako sa krus, at sabik Siyang makumpleto ang gawaing ito. Nang nakita Niya ang miserableng kalagayan ng buhay ng mga tao, mas lalo Niyang ginusto na tuparin ang Kanyang misyon agad-agad, nang walang pagkaantala kahit isang sandali o saglit. Nang nagkaroon Siya ng gayong pakiramdam ng pagmamadali, hindi Niya inisip kung gaano kalaki ang Kanyang magiging pasakit, ni inisip man Niya kung gaano katinding kahihiyan ang kakailanganin Niyang tiisin—mayroon lamang siyang pinanghahawakang isang paninindigan sa Kanyang puso: Hangga’t iniaalay Niya ang Kanyang Sarili, hangga’t Siya ay ipinapako sa krus bilang isang handog para sa kasalanan, ang kalooban ng Diyos ay maisasakatuparan at magagawa Niyang makapagpasimula ng panibagong gawain. Ang mga buhay ng sangkatauhan sa kasalanan, ang kanilang katayuan ng pag-iral sa kasalanan ay lubos na mababago. Ang Kanyang paninindigan at kung ano ang pinagpasyahan Niyang gawin ay may kaugnayan sa pagliligtas sa tao, at mayroon lamang Siyang isang layunin: upang gawin ang kalooban ng Diyos, nang sa gayon ay matagumpay Niyang maumpisahan ang susunod na yugto sa Kanyang gawain. Ito ang kung ano ang nasa isip ng Panginoong Jesus sa panahong iyon.
Sa pamumuhay sa katawang-tao, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtaglay ng normal na pagkatao; taglay Niya ang mga damdamin at ang pangangatwiran ng isang normal na tao. Alam Niya kung ano ang kaligayahan, kung ano ang pagdurusa, at nang nakita Niya ang sangkatauhan sa ganitong uri ng buhay, lubos Niyang nadama na ang pagbibigay lamang sa mga tao ng ilang mga aral, ang pagkakaloob lamang sa kanila ng isang bagay o ang pagtuturo sa kanila ng isang bagay ay hindi makapaglalabas sa kanila mula sa kasalanan. Ni ang ipatupad lamang sa kanila ang mga utos ay makatutubos sa kanila mula sa kasalanan—kung aakuin lamang Niya ang kasalanan ng sangkatauhan at magiging kagaya ng makasalanang laman magagawa Niyang ipagpalit ito para sa kalayaan ng sangkatauhan, at ipagpalit ito para sa kapatawaran ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya pagkatapos maranasan at masaksihan ng Panginoong Jesus ang buhay ng mga tao sa kasalanan, naroroon ang matinding pagnanasa na nahayag sa Kanyang puso—upang tulutan ang mga tao na alisin sa kanilang mga sarili ang kanilang buhay ng pakikipagbuno sa kasalanan. Ang pagnanasang ito ang lalong nagpadama sa Kanya na dapat Siyang mapunta sa krus at akuin ang kasalanan ng sangkatauhan sa lalong madaling panahon, agad-agad. Ito ang mga saloobin ng Panginoong Jesus sa panahong iyon, pagkatapos Niyang mamuhay kasama ng mga tao at nakita, narinig, at naramdaman ang paghihirap ng kanilang mga buhay sa kasalanan. Na ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring magtaglay ng ganitong uri ng kalooban para sa sangkatauhan, na magagawa Niyang ipahayag at ibunyag ang ganitong uri ng disposisyon—ito ba ay isang bagay na maaaring taglayin ng isang karaniwang tao? Ano ang makikita ng isang karaniwang tao sa pamumuhay sa ganitong uri ng kapaligiran? Ano ang kanilang iisipin? Kung ang lahat ng mga ito ay haharapin ng isang karaniwang tao, titingnan ba nila ang mga suliranin mula sa isang mataas na pananaw? Siguradong hindi! Bagama’t ang kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay eksaktong kagaya ng sa tao, natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita sa wika ng tao, at minsan ay ipinapahayag pa Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan at pagpapahayag ng sangkatauhan, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao, ang diwa ng mga bagay-bagay, at kung paaano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi magkapareho. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na hindi matatamo para sa isang tiwaling tao. Ito ay dahil sa ang Diyos ay katotohanan, ang katawang-tao na Kanyang isinusuot ay nagtataglay din ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga saloobin at yaong inihahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga panustos ng katotohanan, at ng buhay. Ang mga panustos na ito ay hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa buong sangkatauhan. Para sa sinumang tiwaling tao, sa kanyang puso ay mayroon lamang mangilan-ngilang mga tao na nakakasama niya. Mayroon lamang iilang mga tao ang pinahahalagahan niya, na pinagmamalasakitan niya. Kapag ang sakuna ay tanaw na una niyang iniisip ang sarili niyang mga anak, asawa, o mga magulang, at ang isang higit na mapagkawang-gawang tao ay mag-iisip lamang ng ilan sa mga kamag-anak o isang mabuting kaibigan; nag-iisip pa ba siya ng iba? Hindi kailanman! Sapagka’t ang mga tao ay, kung tutuusin, mga tao, at makatitingin lamang sila sa lahat ng bagay mula sa pananaw at mula sa kinatatayuan ng isang tao. Gayunman, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubos na naiiba mula sa isang taong tiwali. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano kanormal, gaano man kababa ang uri ng laman ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit pa gaano kababa ang tingin sa Kanya ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi matataglay ng sinumang tao, at walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng isang banal, mula sa taas ng Kanyang katayuan bilang ang Maylalang. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya nakikita ang sangkatauhan mula sa taas ng isang karaniwang tao, at mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, tumitingin sila gamit ang pananaw ng tao, at sila ay gumagamit ng mga bagay-bagay gaya ng kaalaman ng tao at mga patakaran at mga teorya ng tao bilang panukat. Ito ay nasa loob ng saklaw ng kung ano ang nakikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata; ito ay nasa loob ng saklaw ng nakakamit ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang isang banal na pananaw, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at ito ay kung saan ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali ay ganap na magkaiba. Ang pagkakaibang ito ay nalalaman sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng tao at ng Diyos, at itong magkaibang mga diwang ito ang nagpapaalam ng kanilang mga pagkakakilanlan at mga kinatatayuan gayundin ang pananaw at taas mula kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay. Nakikita ba ninyo ang pagpapahayag at pagbubunyag ng Diyos Mismo na nasa Panginoong Jesus? Masasabi ninyo na kung ano ang ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus ay may kinalaman sa Kanyang ministeryo at sa sariling gawaing pamamahala ng Diyos, na ang lahat ng ito ay pagpapahayag at pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Bagama’t nagkaroon Siya ng pagpapakita bilang isang tao, ang kanyang banal na diwa at ang pagbubunyag ng Kanyang pagka-Diyos ay hindi maitatanggi. Ang pagpapakita ba na ito bilang tao ay talagang isang pagpapakita ng pagkatao? Ang Kanyang pagpapakita bilang tao ay, sa Kanyang tunay na diwa, lubos na kaiba mula sa pantaong pagpapakita ng mga taong tiwali. Ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao, at kung Siya ay talagang naging isa sa karaniwan at tiwaling mga tao, makikita kaya Niya ang mga buhay ng sangkatauhan sa kasalanan mula sa isang banal na pananaw? Siguradong hindi! Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Anak ng tao at ng karaniwang mga tao. …
Kapag ang Diyos ay nagiging tao at namumuhay sa gitna ng sangkatauhan, anong pagdurusa ang Kanyang nararanasan sa katawang-tao? Naiintindihan ba talaga ng sinuman? Sinasabi ng ilang mga tao na ang Diyos ay nagdurusa nang husto, at bagama’t Siya ang Diyos Mismo, hindi naiintindihan ng mga tao ang Kanyang kakanyahan at palagi Siyang itinuturing bilang isang tao, na nagpapadama sa Kanya na inaapi at nilalabag—sinasabi nila na ang pagdurusa ng Diyos ay talagang matindi. Ang ibang mga tao ay nagsasabi na ang Diyos ay inosente at walang sala, nguni’t Siya ay nagdurusa kagaya ng sangkatauhan at nagtitiis ng pang-uusig, paninirang-puri, at mga kahihiyan kasama ng sangkatauhan; sinasabi nila na Siya ay nagbabata rin ng mga maling akala at ng pagsuway ng Kanyang mga tagasunod—ang pagdurusa ng Diyos ay talagang hindi nasusukat. Tila hindi ninyo talaga naiintindihan ang Diyos. Sa katunayan, ang pagdurusang ito na inyong sinasabi ay hindi itinuturing bilang tunay na pagdurusa para sa Diyos, sapagka’t may mas malaking pagdurusa kaysa rito. Kung gayon ay ano ang totoong pagdurusa para sa Diyos Mismo? Ano ang tunay na pagdurusa para sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao? Para sa Diyos, ang hindi pagkaunawa sa Kanya ng sangkatuhan ay hindi ibinibilang na pagdurusa, at ang pagkakaroon ng mga tao ng ilang maling akala tungkol sa Diyos at hindi pagkakita sa Kanya bilang Diyos ay hindi ibinibilang na pagdurusa. Gayunman, madalas na nadarama ng mga tao na ang Diyos ay nagdanas ng malaking kawalang-katarungan, na nang panahong ang Diyos ay nasa katawang-tao hindi Niya maipakita ang Kanyang pagkatao sa sangkatauhan at tulutan silang makita ang Kanyang kadakilaan, at ang Diyos ay buong kababaang-loob na nagtatago sa isang walang-kabuluhang laman, kaya maaaring ito ay napakahirap para sa Kanya. Isinasapuso ng mga tao ang kung ano ang kanilang naiintindihan at kung ano ang kanilang nakikita sa pagdurusa ng Diyos, at nagbibigay ng samut-saring simpatiya sa Diyos at madalas nag-aalay pa ng kaunting papuri para dito. Sa katotohanan, mayroong kaibahan, mayroong agwat sa pag-itan ng kung ano ang pagkaintindi ng mga tao sa pagdurusa ng Diyos at kung ano ang Kanyang tunay na nararamdaman. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan—para sa Diyos, hindi alintana kung ito ang Espiritu ng Diyos o ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pagdurusang iyon ay hindi tunay na pagdurusa. Kung ganoon ano talaga ang dinaranas ng Diyos? Pag-usapan natin ang pagdurusa ng Diyos mula lamang sa pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao.
Kapag ang Diyos ay nagiging katawang-tao, nagiging isang karaniwan at normal na tao, namumuhay sa gitna ng sangkatauhan, kasama ng mga tao, hindi ba Niya nakikita at nararamdaman ang mga pamamaraan ng mga tao, mga batas, at mga pilosopiya para mabuhay? Ano ang nararamdaman Niya sa mga pamamaraan at mga kautusang ito? Nakakaramdam ba Siya ng pagkamuhi sa Kanyang puso? Bakit Siya makadarama ng pagkamuhi? Anu-ano ba ang mga pamamaraan at mga kautusang ito ng sangkatauhan para mabuhay? Sa anong mga panuntunan ba ang mga ito nag-uugat? Ano ang batayan ng mga ito? Ang mga pamamaraan ng sangkatauhan, mga kautusan, atbp. para mabuhay—ang lahat ng ito ay nililikha batay sa lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng ganitong uri ng mga kautusan ay walang pagkatao, walang katotohanan—sinasalungat nilang lahat ang katotohanan, at mga laban sa Diyos. Kung titingnan natin ang kakanyahan ng Diyos, makikita natin na ang Kanyang kakanyahan ay ang kabaligtaran ng lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang Kanyang kakanyahan ay puno ng pagkamatuwid, katotohanan, at kabanalan, at iba pang mga katunayan ng lahat ng mga positibong bagay. Ang Diyos, taglay ang kakanyahang ito at namumuhay sa gitna ng gayong sangkatauhan—ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso? Hindi ba ito puno ng pasakit? Ang Kanyang puso ay nasasaktan, at ang pasakit na ito ay isang bagay na walang sinumang tao ang nakakaintindi o nakakatanto. Sapagka’t ang lahat ng bagay na Kanyang kinakaharap, nasasagupa, naririnig, nakikita, at nararanasan ay katiwalian ng buong sangkatauhan, kasamaan, at ang kanilang paghihimagsik laban at pagsalangsang sa katotohanan. Ang lahat nang nanggagaling sa mga tao ay ang pinagmumulan ng Kanyang pagdurusa. Na ang ibig sabihin, sapagka’t ang Kanyang kakanyahan ay hindi katulad ng sa mga taong tiwali, ang katiwalian ng mga tao ay naging sanhi ng Kanyang pinakamalaking pagdurusa. Kapag ang Diyos ay nagiging tao, nagagawa ba Niyang makakita ng isang tao na may kaparehong wika sa Kanya? Hindi ito nasusumpungan sa gitna ng sangkatauhan. Walang nasusumpungan na maaaring makipagtalastasan, na maaaring magkaroon ng ganitong pakikipagpalitan sa Diyos—anong uri ng damdamin ang masasabi mong mayroon ang Diyos? Ang mga bagay-bagay na tinatalakay ng mga tao, na kanilang iniibig, na kanilang hinahabol at kinasasabikan ay may kinalamang lahat sa kasalanan, may mga tunguhing masama. Kapag kinakaharap lahat ito ng Diyos, hindi ba ito parang isang patalim sa Kanyang puso? Sa harap ng ganitong mga bagay, maaari ba Siyang magkaroon ng kagalakan sa Kanyang puso? Makakasumpong ba Siya nang kaaliwan? Yaong mga namumuhay kasama Niya ay mga taong puno ng pagiging mapanghimagsik at kasamaan—paanong hindi magdurusa ang Kanyang puso? Gaano ba talaga kalaki ang pagdurusang ito, at sino ang mayroong pakialam dito? Sino ang nagbibigay-pansin? At sino ang magpapahalaga rito? Hindi kailanman maiintindihan ng mga tao ang puso ng Diyos. Ang Kanyang pagdurusa ay isang bagay na lalong hindi nagagawang pahalagahan ng mga tao, at ang pagiging malamig at manhid ng sangkatauhan ang lalo pang nagpapasidhi ng pagdurusa ng Diyos.
Mayroong ilang mga tao na madalas nakikisimpatiya sa paghihirap ni Cristo sapagka’t mayroong isang talata sa Biblia na nagsasabing: “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.” Kapag naririnig ito ng mga tao, isinasapuso nila ito at naniniwala na ito ang pinakamalaking pagdurusa na binabata ng Diyos, at ang pinakamalaking pagdurusa na binabata ni Jesus. Ngayon, sa pagtingin dito mula sa pananaw ng mga katunayan, ganoon nga ba? Hindi naniniwala ang Diyos na ang mga paghihirap na ito ay pagdurusa. Hindi Siya kailanman nagrereklamo laban sa kawalang-katarungan para sa mga paghihirap ng katawang-tao, at hindi Niya kailanman pinapagbayad ang mga tao o gumawa upang gantimpalaan Siya ng anumang bagay. Gayunman, kapag Kanyang nasasaksihan ang lahat ng bagay ng sangkatauhan, ang tiwaling mga buhay at ang kasamaan ng mga taong tiwali, kapag Kanyang nasasaksihan na ang sangkatauhan ay nasa mahigpit na paghawak ni Satanas at ibinilanggo ni Satanas at hindi makatakas, na ang mga taong namumuhay sa pagkakasala ay hindi nakakaalam kung ano ang katotohanan—hindi Niya kayang tiisin ang lahat ng mga kasalanang ito. Ang Kanyang pagkamuhi sa mga tao ay nadaragdagan araw-araw, nguni’t kailangan Niyang batahin ang lahat ng ito. Ito ang matinding pagdurusa ng Diyos. Hindi lubusang naipapahayag ng Diyos kahit na ang tinig ng Kanyang puso o ang Kanyang mga damdamin sa kalipunan ng Kanyang mga tagasunod, at walang sinuman sa Kanyang mga tagasunod ang tunay na nakakaunawa sa Kanyang pagdurusa. Walang sinuman ang nagtatangka man lamang na intindihin o aliwin ang Kanyang puso—binabata ng Kanyang puso ang pagdurusang ito araw-araw, taun-taon, nang paulit-ulit. Ano ang inyong nakikita sa lahat ng ito? Ang Diyos ay hindi humihingi sa mga tao ng anumang kapalit para sa kung ano ang Kanyang naibigay, nguni’t dahil sa kakanyahan ng Diyos, tiyak na hindi Niya nahahayaan ang kasamaan, katiwalian, at kasalanan ng sangkatauhan, kundi nakakaramdam ng ibayong pagkamuhi at pagkasuklam, na nagbibigay-daan sa puso ng Diyos at sa Kanyang katawang-tao na magbata ng hindi matapus-tapos na pagdurusa. Nakikita ba ninyo ang lahat ng ito? Malamang kaysa hindi, walang nakakakita sa inyo nito, sapagka’t walang sinuman sa inyo ang tunay na nakakaunawa sa Diyos. Sa paglipas ng panahon unti-unti ninyong mararanasan ito sa inyong mga sarili.
mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento