Nauugnay sa pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos
Ang dahilan
kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda,
sa masamang disposisyon ng tao, at sa kabilang banda, sa kamangmangan
tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pag-unawa sa mga prinsipyo ng gawa
ng Diyos at ng Kanyang kalooban patungo sa tao. Ang dalawang aspetong
ito ay nagsasama upang maging iisang kasaysayan ng paglaban ng tao sa
Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil
ang pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat
sa Diyos ng mga mananampalayatang may maraming taon na sa paniniwala ay
bunga ng kamangmangan nila tungkol sa Diyos, samahan pa ng kanilang
masamang disposisyon.
mula sa “Ang Lahat ng Hindi Kilala ang Diyos ay Yaong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang
bawa’t isa sa tatlong mga yugto ng gawain ay isinasakatuparan salig sa
naunang yugto; hindi ito isinasakatuparan nang paisa-isa, na hiwalay sa
gawain ng pagliligtas. Kahit na mayroong mga malalaking pagkakaiba sa
kapanahunan at uri ng gawain na isinasakatuparan, sa ubod nito ay ang
kaligtasan pa rin ng sangkatauhan, at ang bawa’t yugto ng gawain ng
pagliligtas ay mas malalim kaysa nauna. Ang bawa’t yugto ng gawain ay
nagpapatuloy mula sa saligan ng huling sinundan, na hindi binuwag. Sa
ganitong paraan, sa Kanyang gawain na laging bago at hindi naluluma, ang
Diyos ay laging nagpapahayag ng aspeto ng Kanyang disposisyon na hindi
kahit kailan naihahayag sa tao, at laging ibinubunyag sa tao ang Kanyang
bagong gawain, at ang Kanyang bagong kabuuan, at kahit na ang mga
relihiyosong konserbatibo ay gawin ang sukdulan para labanan ito, at
hayag na sinasalungat ito, ang Diyos ay laging gumagawa ng bagong gawain
na hinahangad Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay laging nagbabago, at
dahil dito, ito ay laging sinasalubong ng pagsalungat ng tao. Gayon din,
ang Kanyang disposisyon ay laging nagbabago, tulad ng kapanahunan at
mga tagatanggap ng Kanyang gawain. Bukod dito, Siya ay laging gumagawa
ng gawain na hindi pa kailanman nagawa noong una, at nagsasakatuparan
din ng gawain na sa tao ay tila sumasalungat sa gawain na natapos na
dati, upang salungatin ito. Ang kaya lamang ng tao ay tumanggap ng isang
uri ng gawain, o isang uri ng pagsasagawa. Mahirap para sa tao ang
tumanggap ng gawain, o mga paraan ng pagsasagawa, na laban sa kanila, o
mas mataas sa kanila—nguni’t ang Banal na Espiritu ay laging gumagawa ng
bagong gawain, at sa gayon ay lumilitaw ang pangkat-pangkat ng mga
dalubhasa sa relihiyon na kumokontra sa bagong gawain ng Diyos. Ang mga
taong ito ay naging “mga dalubhasa” tiyakang dahil ang tao ay walang
kaalaman tungkol sa kung paano ang Diyos ay laging bago at hindi
kailanman naluluma, at walang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng
gawain ng Diyos, at, higit pa rito, walang kaalaman sa maraming mga
paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang tao. Dahil dito, hindi lubos
na masabi ng tao kung ito ay gawain na galing sa Banal na Espiritu, at
kung ito ay gawain ng Diyos Mismo. Maraming tao ang nakakapit sa
pag-uugali na, kung ito ay umaayon sa mga naunang salita, kung gayon
tinatanggap nila ito, at kung mayroong mga pagkakaiba sa mga naunang
gawain, kung gayon sinasalungat at tinatanggihan nila ito. … Alamin na
sinasalungat ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ang inyong sariling
mga pagkaintindi upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam
ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil hindi ninyo siniseryoso
nang husto ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagsalungat sa
Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong
mga pagkaintindi at likas na kayabangan. Hindi ito dahil sa ang gawain
ng Diyos ay mali, kundi dahil kayo ay likas na mga napakasuwail.
mula
sa “Ang Pag-alam sa Tatlong mga Yugto ng Gawain ng Diyos ay ang Daan
Patungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa
Katawang-tao
Sapagka’t laging mayroong mga pagsulong ang gawain ng
Diyos, kaya mayroong bagong gawain, at kaya mayroon ding gawain na
lipas at luma na. Itong luma at bagong gawain ay hindi nagkakasalungat,
bagkus ay magkaugnay; bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. At dahil may
bagong gawain, ang lumang mga bagay ay tiyak na dapat maalis. Bilang
halimbawa, ang ilan sa mga matagal nang pagsasagawa at kinasanayang
kasabihan ng mga tao, kasama na ang mga napakaraming karanasan at mga
turo, ay bumuo ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi sa kaisipan ng tao.
Nguni’t mas angkop sa pagkakabuo ng gayong mga pagkakaintindi ng tao ay
ang 'di pa ganap na pagbubunyag ng Diyos ng Kanyang mukha at likas na
disposisyon sa tao, kaalinsabay ng pagkalat, sa loob ng maraming taon,
ng mga tradisyunal na teoriya mula sa sinaunang panahon. Makatuwirang
sabihin na sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang
impluwensya ng iba’t-ibang pagkaintindi ay nagbigay-daan sa patuloy na
pagkabuo at pagsulong ng isang kaalaman sa tao na kung saan ay mayroon
siya ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi ukol sa Diyos—na nagresulta sa
maraming relihiyosong tao na naglilingkod sa Diyos ang naging mga kaaway
Niya. At kaya, habang lumalakas ang mga relihiyosong pagkakaintindi ng
mga tao, lalo lamang nilang kinakalaban ang Diyos, at mas lalong
nagiging mga kaaway ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at
hindi luma kailanman, at hindi ito bumubuo ng doktrina at sa halip, ito
ay patuloy na nagbabago at napanunumbalik sa mas malaki o sa mas maliit
na sakop. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng
Diyos Mismo. Ito rin ang likas na panuntunan ng gawain ng Diyos, at isa
sa mga paraan kung saan isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang
pamamahala. Kung hindi sa ganitong paraan gumawa ang Diyos, hindi
magbabago ang tao at hindi makukuhang makilala ang Diyos, at si Satanas
ay hindi madadaig. Kaya, sa Kanyang gawain may malimit na nangyayaring
mga pagbabago na kung titingnan ay pamali-mali, ngunit ang mga ito sa
totoo lang ay pana-panahon. Ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa
Diyos, gayunman, ay lubhang naiiba: Nangunguyapit siya sa luma, kilalang
mga doktrina at mga sistema, at habang mas luma nagiging mas
katanggap-tanggap ang mga ito sa kanya. Papaanong ang hangal na
pag-iisip ng tao, isang pag-iisip na kasintigas ng bato, ay tatanggap ng
ganoong di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos?
Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma;
ang gusto lang niya ay ang makaluma at lumang Diyos na puti ang buhok at
walang kibo. Sa gayon, sapagkat ang Diyos at ang tao ay may
kani-kanyang mga kagustuhan, ang tao ay naging kaaway ng Diyos.
mula
sa “Tanging ang mga Nakaaalam ng Gawain ng Diyos Ngayon ang
Makapaglilingkod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi
kailanman nakiayon ang gawain ng Diyos sa mga pagkaintindi ng tao,
dahil ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma. Hindi
Niya kailanman inuulit ang gawaing luma sa halip ay sumusulong sa
gawaing kailanman ay hindi pa nagawa. Dahil ang Diyos ay hindi nag-uulit
ng Kanyang gawain at ang tao ay karaniwang nanghuhusga sa gawain ng
Diyos ngayon batay sa Kanyang gawain sa nakaraan, lubhang mahirap para
sa Diyos na ipagpatuloy ang bawat yugto ng gawain sa bagong kapanahunan.
Nagpapakita ang tao ng napakaraming balakid! Ang pag-iisip ng tao ay
masyadong makitid! Walang tao ang may alam sa gawain ng Diyos, gayon pa
man lahat sila ay nagpapakahulugan sa ganoong gawain. … Ninanais ng
lahat ng tao na makamit ang Diyos ngunit hindi kayang payagan ang
anumang pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumanggap sa
bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi
nagbabago, at na ang gawain ng Diyos ay magpakailanmang nananatiling
nakapirmi. Sa kanilang paniniwala, ang tangi lamang kailangan upang
makamit ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sa pagsunod sa
kautusan, at habang sila ay nagsisisi at nangungumpisal ng kanilang
kasalanan, ang puso ng Diyos ay masisiyahan magpakailanman. Sila ay nasa
opinyon na ang Diyos ay maaari lamang na Diyos sa ilalim ng kautusan at
ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; kanila ring opinyon na ang
Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring humigit sa Biblia. Tiyak na ang
mga opinyong ito ang mahigpit na nagtatanikala sa kanila sa kautusan ng
nakaraan at pinanatili silang nakakadena sa mahigpit na mga tuntunin.
Mas marami ang naniniwala na anuman ang bagong gawain ng Diyos, ito ay
kailangang mapatunayan ng mga hula, at sa bawat yugto ng gayong gawain,
ang lahat ng sumusunod sa Kanya nang may katapatan ng puso ay dapat
mapakitaan ng mga pahayag, kung hindi ang gawaing iyon ay hindi sa
Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos.
Bilang karagdagan sa kakatwang puso ng tao at ng kanyang mapanghimagsik
na kalikasan ng malaking pagpapahalaga sa sarili at kayabangan, sa gayon
mas higit na mahirap para sa tao na tanggapin ang bagong gawain ng
Diyos. Hindi pinag-aaralan ng tao ang bagong gawain ng Diyos nang
maingat ni tinatanggap ito nang may pagpapakumbaba; sa halip, ang tao ay
pumapanig sa asal na pag-aalipusta, naghihintay sa mga pagbubunyag at
paggabay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng tao na naghihimagsik at
tumututol sa Diyos? Paano makakamit ng ganoong mga tao ang pagsang-ayon
ng Diyos?
mula sa “Paano Makatatanggap ng mga
Pahayag ng Diyos ang Taong Ipinakahulugan ang Diyos sa Kanyang
Pagkaintindi?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Madali
para sa sangkatauhan na makagawa ng pagkakamali sa paglalarawan sa
Diyos; malamang na ang mga tao ay manatili sa nakaraan, at mahiwalay sa
Diyos. Malinaw na hindi nila nakikilala ang Diyos, at wala pa ring
patumanggang inilalarawan ang gawain ng Diyos. Ang kanilang kalikasan ay
lubhang arogante! Palaging ninanais ng mga tao na manghawak sa dating
mga pagkaintindi ng nakaraan, pinananatili nila ang mga bagay ng mga
nakalipas na panahon na nakaimbak sa kanilang mga puso, at ginagamit ang
mga ito bilang kanilang puhunan, nagiging arogante at mapagmataas, at
iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, at taglay ang lakas ng
loob na ilarawan ang gawain ng Diyos. Sa ganito, hindi ba nila
hinahatulan ang Diyos? Bilang karagdagan, hindi nagsasaalang-alang ang
mga tao sa bagong gawain ng Diyos, na nagpapakita na mahirap para sa
kanila na tanggapin ang mga bagong bagay, at gayunma’y inilalarawan pa
rin nang basta na lamang ang Diyos; ang mga tao ay masyadong mapagmataas
na wala silang taglay na katuwiran, wala silang sinumang pinakikinggan,
at ni hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Ang gayon ay ang
kalikasan ng tao: lubos na arogante at nagpapakamatuwid, at wala ni
kaunting pagkamasunurin. Nang hinatulan nila si Jesus, ang mga Fariseo
ay kagaya ng ganito: Kahit na Ikaw ay tama, hindi pa rin ako susunod sa
Iyo)—si Jehova lamang ang tunay na Diyos. Sa kasalukuyan, hindi ba
mayroon ding mga tao na nagsasabing: “Siya si Cristo? Hindi ko Siya
susundin kahit na Siya pa talaga si Cristo!” … Ipinakikita nito na ang
disposisyon ng tao ay masyadong tiwali, na siya ay walang kaligtasan.
mula sa “Huwag Mong Ilalarawan Ang gawain ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Gusto
ba ninyong malaman kung ano ang pinag-ugatan ng pagkalaban ng mga
Fariseo kay Jesus? Gusto ba ninyong malaman ang substansya ng mga
Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan,
naniwala lang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinanap
ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin
nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman sa daan ng buhay, at
hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sasabihin ninyo, paano
matatamo nang gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao
ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban
nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na
Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang binanggit ni
Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At
dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi nakasama ang
Mesiyas kailanman, nagkamali silang magbigay ng walang saysay na
parangal sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang pagkatao ng
Mesiyas sa anumang paraan. Ang mga Fariseong ito sa pagkatao ay mga
sutil, mayayabang, at ayaw sumunod sa katotohanan. Ang panuntunan ng
paniniwala nila sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano
man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw
ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang mga
pananaw na ito? Tatanungin Ko kayong muli: Hindi ba napakadali ninyong
magagawa ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, kung
isasaalang-alang na wala kayong kahit katiting na pagkaunawa kay Jesus?
Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang
magagarantiyahan mo na hindi mo kakalabanin si Cristo? Kaya mo bang
sumunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung
kakalabanin mo si Cristo, sinasabi Ko na nasa bingit na ng kamatayan ang
buhay mo. Yaong hindi nakakilala sa Mesiyas ay kayang kalabanin si
Jesus, tanggihan si Jesus, siraan Siya ng puri. Ang mga taong hindi
nakakaunawa kay Jesus ay kayang itatwa Siya, at laitin Siya. Bukod pa
riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni
Jesus, at mas maraming tao ang huhusgahan ang pagbabalik ni Jesus sa
katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap
ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagkawasak sa
mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at paghamak sa lahat ng
ipinahayag ni Jesus.
mula sa “Mamamasdan Mo ang
Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago Na ng Diyos ang Langit
at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Halimbawa,
nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea, ang Kanyang pakay ay tapusin
ang gawain ng pagpapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan.
Ngunit naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at
inisip nila na imposibleng maging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong
Jesus. Ang kanilang "imposible" ang naging batayan ng kanilang paghatol
at pagkontra sa Diyos, at sa huli, humantong sa kapahamakan ng Israel.
Ngayon, maraming tao ang nakagawa ng parehong pagkakamali. Walang bahala
nilang hinahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, ngunit sila rin
ang bumabatikos sa Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang
muling nagkukulong ng pagpapakita ng Diyos batay sa kanilang
imahinasyon.
mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Nagdala ng Bagong Kapanahunan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento