Awtoridad ng Diyos (I)
Pagpapatuloy ng Ikalawang bahagi
Hindi namalayan, nagpatuloy ang paggawa ng Manlilikha sa lahat ng mga bagay nang limang araw, kasunod agad na sinalubong ng Manlilikha ang pang-anim na araw ng Kanyang paglikha ng lahat ng mga bagay. Panibagong simula na naman ang araw na ito, at panibagong pambihirang araw. Ano, ngayon, ang plano ng Maylalang sa bisperas ng bagong araw na ito? Anong mga bagong nilalang ang Kanyang ilalabas, lilikha ba Siya? Makinig, iyan ang boses ng Maylalang….
“At sinabi ng Dios, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri: at nagkagayon. At nilikha ng Dios ang ganid sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa’t umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti” (Gen 1:24-25). Anong mga buhay na nilalang ang kasama rito? Ang sabi ng Kasulatan: mga hayop, at mga gumagapang na nilalang, at mga iba’t-ibang uri ng hayop sa lupa. Ibig sabihin, sa araw na ito, hindi lang mayroong iba’t-ibang uri ng mga buhay na nilalang sa lupa, ngunit nakauri sila lahat ayon sa klase, at ganoon din, “nakita ng Dios na mabuti.”
Tulad ng nakaraang limang araw, sa parehong tono, sa pang-anim na araw inutos ng Maylalang ang pagbibigay buhay sa mga gusto Niyang mga buhay na nilalang, at lumitaw sila sa lupa, ayon sa uri ng bawat isa. Kapag ipinatupad ng Maylalang ang Kanyang awtoridad, wala sa Kanyang mga salita ang mababalewala, at kaya, sa pang-anim na araw, ang bawat buhay na nilalang na Kanyang gustong likhain ay lumitaw sa itinakdang oras. Tulad ng sinabi ng Maylalang “Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri,” agad na napuno na naman ang mundo ng buhay, at biglang naglitawan sa lupa ang hininga ng lahat ng klase ng mga buhay na nilalang…. Sa berdeng damuhang kaparangan, matatabang baka, na pumapalo ang kanilang buntot nang paroon at parito, ang isa-isang lumitaw, nagtipon-tipon ang mga umuungang tupa, at nagsimulang tumakbo nang may palukso ang mga kabayo…. Sa isang iglap, napuno ng buhay ang malawak na tahimik na damuhan…. Magandang tanawin ang paglitaw ng iba’t-ibang uri ng mga hayop sa tahimik na damuhan, at kasama nito ang walang hanggang kasiglahan…. Sila ang mga kasama ng mga damuhan, at mga amo ng mga damuhan, na nakadepende sa bawat isa; gayon din sila ang magiging tagabantay at tagapangalaga ng kalupaang ito, kung saan ay magiging permanenteng tirahan nila, at kung saan ay magbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila, pagmumulan ng walang hanggang pagkain para sa kanilang pamumuhay…
Sa parehong araw na nabuhay ang iba’t-ibang mga hayop na ito, sa pamamagitan ng salita ng Maylalang, lumitaw rin ang maraming insekto, isa-isa. Kahit na sila ang pinakamaliit sa mga buhay na nilalang, ang mga puwersa ng kanilang buhay ay mahimalang paglikha pa rin ng Maylalang, at hindi sila huling dumating…. Ikinampay ng iba ang kanilang maliliit na pakpak, habang gumapang nang mabagal ang iba; tumalon at tumalbog ang ilan, sumusuray-suray ang ilan; gumugulong paharap ang ilan, habang mabilis na umaatras ang iba; gumagalaw patagilid ang ilan, mataas at mababang tumatalon ang iba…. Abala ang lahat na humanap ng matitirhan para sa kanilang mga sarili: Pinilit ng ilan na pumasok sa damo, naghukay naman ang ilan ng mga butas sa lupa, lumipad sa mga puno ang ilan, nagtago sa mga kagubatan…. Kahit pa maliit, hindi nila gustong magdusa dahil walang laman ang tiyan, at matapos makahanap ng kanilang mga matitirahan, nagmadali silang naghanap ng pagkain para pakainin ang kanilang mga sarili. Umakyat ang iba sa damo para kainin ang mga malalambot nitong talim, sinakmal ng iba ang lupa at kinain ito, kumakain ng may sobrang sarap at kasiyahan (para sa kanila, kahit ang dumi ay masarap na pagkain); nagtatago ang ilan sa mga kagubatan, ngunit hindi sila huminto para magpahinga, habang nagbibigay ng makatas na pagkain ang dagta sa loob ng makintab na berdeng mga dahon…. Matapos silang magsawa, hindi pa rin huminto sa kanilang mga gawain ang mga insekto; bagamat maliit ang tayog, mayroon silang napakatinding enerhiya at walang limitasyong kasiglahan, at kaya sa lahat ng mga nilalang, sila ang pinakamaliksi, at pinakamasipag. Hindi sila kailanman naging tamad, at kailanman ay hindi nagpahinga. Matapos magsawa, ginagawa pa rin nila ang kanilang mga trabaho alang-alang sa kanilang hinaharap, abala ang kanilang mga sarili at nagmamadali para sa kanilang kinabukasan, para sa kanilang pamumuhay…. Marahan silang humuhuni ng mga iba’t-ibang himig at ritmo para hikayatin at himuking magpatuloy ang mga sarili. Nagbigay rin sila ng kasiyahan sa damo, mga puno, at sa bawat pulgada ng lupa, ginagawa ang bawat araw, at bawat taon na, natatangi…. Sa kanilang sariling mga wika at sa kanilang mga sariling paraan, nagdadala sila ng mga kaalaman sa lahat ng mga buhay na nilalang sa kalupaan. At gamit ang kanilang sariling espesyal na kurso ng buhay, minamarkahan nila ang lahat ng mga bagay, kung saan nag-iiwan sila ng mga bakas…. Malapit ang relasyon nila sa lupa, sa damo, at sa mga kagubatan, at nagdadala sila ng kalakasan at kasiglahan sa lupa, sa damo, sa mga kagubatan, at dala ang mga pangaral at pagbati ng Maylalang sa lahat ng mga buhay na nilalang…
Nakarating ang pagtitig ng Maylalang sa lahat ng mga bagay na Kanyang nilikha, at sa sandaling ito, huminto ang Kanyang mata sa mga kagubatan at kabundukan, umiikot ang isipan Niya. At binigkas ang Kanyang mga salita, sa makapal na mga kagubatan, at sa ibabaw ng mga kabundukan, may lumitaw na isang uri ng mga nilalang na di-tulad ng ibang dati nang dumating: Mababangis na hayop ang mga ito na binigkas ng bibig ng Diyos. Inuga nila ang kanilang mga ulo at pinaroon at parito ang kanilang mga buntot, may sarili silang natatanging itsura. Mabalahibo ang ilan, may kalasag ang ilan, may pangil ang ilan, nakangisi ang ilan, mahaba ang leeg ng ilan, at maikli ang buntot ng ilan, mabangis ang mata ng ilan, mahiyain ang tingin ng ilan, yumuyuko ang ilan para kumain ng damo, may dugo ang mga bibig ng ilan, tumatalon-talon sa dalawang paa ang ilan, naglalakad ang ilan gamit ang apat na malalaking kuko, tumitingin sa malayo ang ilan sa itaas ng mga puno, naghihintay ang ilan sa mga kagubatan, naghahanap ang ilan ng mga kweba para magpahinga, tumatakbo at masaya ang ilan sa mga kapatagan, umaali-aligid ang ilan sa mga kagubatan...; umaatungal ang ilan, umaalulong ang ilan, tumatahol ang ilan, umiiyak ang ilan…; soprano ang ilan, baritono ang ilan, buong lalamunan ang ilan, malinaw at malambing ang ilan…; mabagsik ang ilan, maganda ang ilan, nakakadiri ang ilan, nakatutuwa ang ilan, nakatatakot ang ilan, walang muwang na kaakit-akit ang ilan…. Isa-isa, sila ay lumabas. Tingnan kung paano sila lumitaw, masigla, medyo mailap sa bawat isa, walang pakialam na lumingon sa bawat isa…. Nagtataglay ang bawat isa ng partikular na buhay na ibinigay sa kanila ng Maylalang, at ang kanilang pagiging mabangis, at kalupitan, lumitaw sila sa mga kagubatan at sa mga kabundukan. Suwail sa lahat, ganap na nangingibabaw—sino ang gumawa sa kanila para maging mga tunay na amo ng mga kabundukan at kagubatan? Sa sandaling itinakda ang kanilang mga hitsura ng Maylalang, “inangkin” na nila ang mga kagubatan, at “inangkin” na ang mga kabundukan, dahil tinakpan na ng Maylalang ang kanilang mga hangganan at tinukoy na ang sakop ng kanilang pag-iral. Sila lang ang totoong mga panginoon ng mga kabundukan at kagubatan, at kaya napakabangis nila, at napakasuwail. Tinawag silang “mababangis na hayop” dahil lang, sa lahat ng mga nilalang, sila lang ang tunay na mabangis, malupit, at di mapaamo. Hindi sila mapaamo, kaya di sila maalagaan, at di maaaring mamuhay nang maayos kasama ang sangkatauhan o magtrabaho sa ngalan ng sangkatauhan. Ito’y dahil di sila maalagaan, di maaaring magtrabaho para sa sangkatauhan, na kailangan nilang mamuhay nang malayo sa sangkatauhan, at di maaaring lapitan ng tao. At ito’y dahil malayo silang namumuhay sa sangkatauhan, at di maaaring lapitan ng tao, na kayang tuparin ang kanilang katungkulan na ibinigay sa kanila ng Maylalang: binabantayan ang mga kabundukan at ang mga kagubatan. Pinoprotektahan ng kanilang kabangisan ang mga kabundukan at binabantayan ang mga kagubatan, at ang pinakamagandang pag-iingat at kasiguruhan ng kanilang pag-iral at pagpaparami. Kasabay nito, pinapanatili at sinisiguro ng kabangisan nila ang balanse sa lahat ng mga bagay. Nagbigay ng suporta at kanlungan ang kanilang pagdating sa mga kabundukan at mga kagubatan; nagdulot ang pagdating nila ng walang hangganang kalakasan at kasiglahan sa tahimik at walang laman na mga kabundukan at mga kagubatan. Mula sa puntong ito, naging permanenteng tirahan na nila ang mga kabundukan at mga kagubatan, at kailanman di mawawala sa kanila ang kanilang tirahan, dahil lumitaw at ginawa ang mga kabundukan at kagubatan para sa kanila, at tutuparin ng mga mabangis na hayop ang kanilang mga tungkulin, at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya, para bantayan ang mga ito. Kaya, gayun din, ang mga mababangis na hayop ay mahigpit na mamalagi sa mga pangaral ng Maylalang na panghawakan ang kanilang mga teritoryo, at patuloy na gamitin ang kanilang malahayop na kalikasan para panatilihin ang balanse ng lahat ng mga bagay na itinatag ng Maylalang, at ipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Maylalang!
Sa Ilalim ng Awtoridad ng Maylalang, Perpekto ang Lahat ng mga Bagay
Ang lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos, kasama na ang mga nakagagalaw at mga di nakagagalaw, tulad ng mga ibon at isda, tulad ng mga puno at mga bulaklak, at kasama ang mga hayop, mga insekto, at mga mababangis na hayop na ginawa noong pang-anim na araw—maganda ang lahat ng mga ito sa Diyos, at, dagdag pa rito, sa mga mata ng Diyos, ang mga bagay na ito, ayon sa Kanyang plano, ay umabot lahat sa rurok ng pagka-perpekto, at narating ang mga pamantayan na nais makamit ng Diyos. Paunti-unti, nagawa ng Maylalang ang mga gawang Kanyang nilalayon ayon sa Kanyang plano. Sunod-sunod, lumitaw ang mga bagay na Kanyang binalak likhain, at ang pagpapakita ng bawat isa ay pagpapahiwatig ng awtoridad ng Maylalang, at pagkatatag ng Kanyang awtoridad, at dahil sa mga pagkatatag na ito, hindi maiwasang kumilala ng utang na loob ang lahat ng mga nilalang sa biyayang ipinagkaloob ng Maylalang, at ang probisyon ng Maylalang. Habang nakikita sa kanilang mga sarili ang mapaghimalang mga gawa ng Diyos, lumobo ang mundong ito, paisa-isa, sa lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos, at nabago mula sa kaguluhan at kadiliman patungo sa kalinawan at kaliwanagan, mula sa nakamamatay na katahimikan hanggang sa kabuhayan at walang hangganang kasiglahan. Sa lahat ng mga bagay sa paglikha, mula sa malaki hanggang sa maliit, mula sa maliit hanggang sa napakaliit, walang hindi nilikha sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng Maylalang, at nagkaroon ng natatangi at likas na pangangailangan at kahalagahan sa pag-iral ng bawat nilalang. Sa kabila ng mga kaibahan sa kanilang mga hugis at istruktura, ginawa pa rin sila ng Maylalang para mabuhay sa ilalim ng Kanyang awtoridad. Minsan makakakita ang tao ng insekto, ang isa rito ay napakapangit, at sasabihin nila, “Ang insektong iyan ay nakakatakot, hindi pwede na ang naturang pangit na bagay ay ginawa ng Diyos—hindi pwede na lilikha Siya ng isang bagay na napakapangit.” Isang hangal na pananaw! Ang dapat nilang sabihin ay, “kahit napakapangit ang insektong ito, ginawa ito ng Diyos, at mayroon itong natatanging layunin.” Sa kaisipan ng Diyos, sinadya Niya na bigyan ang bawat isa ng itsura, at lahat ng uri ng mga tungkulin at mga gamit, sa iba’t-ibang mga buhay na nilalang na Kanyang ginawa, at kaya wala sa mga bagay na ginawa ng Diyos ang kinuha mula sa parehong hulmahan. Mula sa kanilang panlabas hanggang sa kanilang panloob na komposisyon, mula sa kanilang nakasanayang pamumuhay hanggang sa kinalalagyan na kanilang sinasakop—magkaiba ang bawat isa. Ang mga baka ay may itsura ng mga baka, ang mga buriko ay may itsura ng mga buriko, ang mga usa ay may itsura ng mga usa, at ang mga elepante ay may itsura ng mga elepante. Maaari mo bang sabihin kung sino ang pinakamaganda, at kung sino ang pinakapangit? Maaari mo bang sabihin kung sino ang pinakamahalaga, at aling pag-iral ang pinaka-hindi kailangan? May mga taong gusto ang itsura ng mga elepante, ngunit walang tao ang gumagamit ng mga elepante para magtanim sa mga bukid; may mga taong gusto ang itsura ng mga leon at tigre, dahil ang kanilang itsura ang pinakakahanga-hanga sa lahat ng mga bagay, ngunit kaya mo ba silang gawing alaga? Sa madaling salita, pagdating sa lahat ng mga bagay, kailangan umayon ang tao sa awtoridad ng Maylalang, ibig sabihin, umayon sa ayos na itinakda ng Maylalang sa lahat ng mga bagay; ito ang pinakamatalinong pananaw. Tanging ang pananaw sa paghahanap, at pagsunod sa orihinal na mga intensyon ng Maylalang ang tunay na pagtanggap at katiyakan sa awtoridad ng Maylalang. Maganda ito sa Diyos, kaya anong dahilan ang mayroon ang tao para maghanap ng kamalian?
Kaya, ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng awtoridad ng Maylalang ay dapat tumugtog ng isang bagong pagkakaisang-himig para sa pangingibabaw ng Maylalang, dapat magsimula ng isang magandang pambungad para sa Kanyang trabaho sa panibagong araw, at sa sandaling ito, ang Maylalang ay magbubukas rin ng bagong pahina sa gawain ng Kanyang pamamahala! Ayon sa batas ng mga usbong sa tagsibol, paghinog sa tag-init, pag-aani sa taglagas, at ang pag-iimbak sa taglamig na itinakda ng Maylalang, ang lahat ng mga bagay ay dapat umayon sa plano sa pamamahala ng Maylalang, at dapat nilang salubungin ang kanilang sariling bagong araw, bagong simula, at bagong kurso ng buhay, at sila’y magpaparami nang sunod-sunod nang walang katapusan para salubungin ang bawat araw sa ilalim ng kapangyarihan ng awtoridad ng Maylalang…
Wala sa mga Nilikha at Di-nilikhang mga Bagay ang Maaaring Pumalit sa Pagkakakilanlan ng Maylalang
Mula nang sinimulan Niya ang paglikha sa lahat ng mga bagay, nagsimulang maihayag ang kapangyarihan ng Diyos, at nagsimulang maibunyag, dahil gumamit ng mga salita ang Diyos para lumikha ng lahat ng mga bagay. Kahit ano pa man ang paraan ng paglikha Niya sa kanila, ano man ang dahilan kung bakit Niya sila nilikha, ang lahat ng mga bagay ay nagkaroon ng buhay at itinatag at umiral dahil sa mga salita ng Diyos, at ito ang bukod-tanging awtoridad ng Maylalang. Noong mga panahon bago lumitaw ang sangkatauhan sa mundo, ginamit ng Maylalang ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad para lumikha ng lahat ng mga bagay para sa sangkatauhan, at ginamit ang Kanyang mga natatanging paraan para maghanda ng angkop na kapaligiran para sa pamumuhay ng sangkatauhan. Lahat ng Kanyang ginawa ay paghahanda para sa sangkatauhan, kung saan kalaunan ay makatatanggap ng Kanyang hininga. Ibig sabihin, noong panahon bago likhain ang sangkatauhan, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa mga nilalang na iba sa sangkatauhan, sa mga bagay na kasing-lawak ng mga kalangitan, ang mga liwanag, ang mga karagatan, at ang lupa, at sa mga maliliit na mga hayop at mga ibon, gayon din sa iba’t-ibang mga insekto at mga sobrang maliliit na mga nilalang, kasama na ang mga iba’t-ibang mikrobyo na di nakikita ng mata. Nabigyan ng buhay ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salita ng Maylalang, at lumaganap ang bawat isa dahil sa mga salita ng Maylalang, at namuhay ang bawat isa sa ilalim ng kapangyarihan ng Maylalang dahil sa mga salita ng Maylalang. Kahit na di nila natanggap ang hininga ng Maylalang, ipinakita pa rin nila ang buhay at kasiglahan na ipinagkaloob sa kanila ng Maylalang sa pamamagitan ng kanilang mga iba’t-ibang anyo at mga istruktura; kahit na di sila nakatanggap ng abilidad para makapagsalita na ibinigay sa sangkatauhan ng Maylalang, nakatanggap ang bawat isa ng paraan ng pagpapakita ng kanilang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Maylalang, at kung saan ay iba sa salita ng tao. Hindi lang nagbibigay ng kasiglahan ng buhay ang awtoridad ng Diyos sa mga animo’y di gumagalaw na mga materyal na bagay, para di sila kailanman mawala, ngunit, higit pa rito, ay nagbibigay ng kalikasan para manganak at magparami sa bawat buhay na katauhan, para hindi sila maglaho kailanman, at para, sa mga susunod na henerasyon, ipapasa nila ang ipinagkaloob sa kanila ng Maylalang na mga batas at mga prinsipyo para mabuhay. Ang paraan kung saan nagpapakita ang Maylalang ng Kanyang awtoridad ay hindi masusing sumusunod sa pananaw na malawak o maliit, at hindi limitado sa anumang anyo; Kaya Niyang utusan ang takbo ng sansinukob, at hawakan ang kapangyarihang maghari sa pagkabuhay at pagkamatay ng lahat ng mga bagay, at, higit pa rito, kayang kontrolin ang lahat ng mga bagay para sila’y makapagsilbi sa Kanya; Kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng mga ginagawa ng mga kabundukan, ilog, at lawa, at pagharian ang lahat ng mga bagay na nakapaloob sa kanila, at, bukod pa rito, ay kayang ibigay kung ano ang kailangan ng lahat ng mga bagay. Ito ang pagpapahayag ng natatanging awtoridad ng Maylalang sa lahat ng mga bagay bukod sa sangkatauhan. Ang naturang pagpapahayag ay di lang sa buong buhay, at di kailanman hihinto, o titigil, at di maaaring baguhin o sirain ng sinumang tao o bagay, ni hindi kayang dagdagan o bawasan ng sinumang tao o bagay—dahil hindi maaaring palitan ang pagkakakilanlan ng Maylalang, at, samakatuwid, hindi maaaring palitan ang awtoridad ng Maylalang ng sinumang katauhan, at hindi maaabot ng anumang di-nilikhang katauhan. Halimbawa, ang mga mensahero at mga anghel ng Diyos. Wala sa kanila ang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong wala sa kanila ang awtoridad ng Maylalang, at ang dahilan bakit wala sa kanila ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay dahil wala sa kanila ang diwa ng Maylalang. Ang mga di-nilikhang katauhan, tulad ng mga mensahero at mga anghel ng Diyos, kahit na kaya nilang gawin ang ilang mga bagay sa ngalan ng Diyos, di sila maaaring kumatawan sa Diyos. Kahit na may ilang kapangyarihan sila na wala ang tao, wala sa kanila ang awtoridad ng Diyos, wala sa kanila ang awtoridad ng Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay, at utusan ang lahat ng mga bagay, at hawakan ang kapangyarihang maghari sa lahat ng mga bagay. At kaya hindi maaaring palitan ang pagiging natatangi ng Diyos ng anumang di-nilikhang katauhan, at, ganoon din, hindi maaaring palitan ng anumang di-nilikhang katauhan ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa Biblia, may nabasa ka bang sinumang mensahero ng Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay? At bakit hindi inutusan ng Diyos ang sinuman sa Kanyang mga mensahero o mga anghel na lumikha ng lahat ng mga bagay? Dahil wala sa kanila ang awtoridad ng Diyos, at kaya wala silang abilidad na ipatupad ang awtoridad ng Diyos. Tulad din ng lahat ng mga nilalang, nasa ilalim sila ng kapangyarihang maghari ng Maylalang, at sa ilalim ng awtoridad ng Maylalang, at kaya, sa parehong paraan, ang Maylalang din ang Diyos nila, at Siya rin ang kanilang pinakamakapangyarihang pinuno. Sa bawat isa sa kanila—kahit pa sila’y marangal o hamak, may malaki o maliit na kapangyarihan—wala ni isa ang maaaring makalampas sa awtoridad ng Maylalang, at kaya sa kanilang lahat, wala ni isa ang kayang palitan ang pagkakakilanlan ng Maylalang. Kailanman hindi sila maaaring tawaging Diyos, at kailanman di nila kayang maging Maylalang. Hindi nababago ang mga katotohanan at mga katunayang ito!
Sa pamamagitan ng talakayan sa itaas, maaari ba nating igiit ang mga sumusunod: tanging ang Maylalang at Pinuno ng lahat ng mga bagay, Siyang may natatangning awtoridad at natatanging kapangyarihan, ang maaaring tawagin na natatanging Diyos Mismo? Sa puntong ito, maaari ninyong maramdamang masyadong malalim ang naturang katanungan. Kayo ay, sa ngayon, walang kakayahang unawain ito, at hindi maunawaan ang kaibuturan nito, at kaya sa sandaling ito mararamdaman ninyo na mahirap sumagot. Kung gayon, ipagpapatuloy ko ang Aking pagtalakay sa pagsasamahan. Susunod, hahayaan ko kayong makita ang mga aktwal na gawa ng maraming mga aspeto ng awtoridad at kapangyarihan na pag-aari lamang ng Diyos, at kaya hahayaan ko kayong tunay na maunawaan, pahalagahan, at malaman ang pagiging bukod-tangi ng Diyos, at ano ang ibig sabihin ng natatanging awtoridad ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento