Bawa’t isa sa inyo ay dapat magsuring muli ng inyong buhay-pananampalataya sa Diyos para makita kung, sa paghahabol sa Diyos, ay tunay na naunawaan mo, tunay na naintindihan, at tunay na nakilala mo ang Diyos, kung tunay na alam mo kung anong saloobin ang tinitiis ng Diyos sa iba’t ibang uri ng tao, at kung tunay na nauunawaan mo kung ano ang ginagawa ng Diyos sa iyo at ano ang pakahulugan ng Diyos sa bawa’t kilos mo.
Ang Diyos na ito, na nasa tabi mo, gumagabay sa direksyon ng pag-unlad mo, nagtatakda ng tadhana mo, at nagtutustos ng mga pangangailangan mo—sa katapus-tapusan, gaano ang nauunawaan mo at gaano ang totoong pagkakakilala mo tungkol sa Kanya? Alam mo ba kung ano ang ginagawa Niya sa iyo sa bawa’t araw? Alam mo ba ang mga prinsipyo at mga layunin na pinagbabatayan Niya ng bawa’t kilos Niya? Alam mo ba kung paano ka Niya ginagabayan? Alam mo ba ang paraan kung paano ka Niya tinutustusan? Alam mo ba ang mga pamamaraan ng Kanyang pag-aakay sa iyo? Alam mo ba kung ano ang nais Niyang makuha mula sa iyo at ano ang nais Niyang makamit sa iyo? Alam mo ba ang nagiging saloobin Niya pagdating sa iba’t ibang asal mo? Alam mo ba kung ikaw ay isang taong minamahal Niya? Alam mo ba ang pinanggagalingan ng Kanyang kagalakan, galit, kalungkutan, at tuwa, ang mga kaisipan at ideya sa likod ng mga iyon, at ang Kanyang kakanyahan? Alam mo ba, sa kahuli-hulihan, kung anong uring Diyos ang Diyos na ito na pinaniniwalaan mo? Ang mga ito ba at ang iba pang mga tanong na gaya niyan ay ang mga bagay na hindi mo pa kailanman naunawaan o napag-isipan? Sa iyong patuloy na paniniwala sa Diyos, ikaw ba, sa pamamagitan ng tunay na pagpapahalaga at pagdaranas ng mga salita ng Diyos, ay nalinawan na sa iyong maling mga pagkaunawa tungkol sa Kanya? Ikaw ba, matapos tanggapin ang disiplina at pagtutuwid ng Diyos, ay tunay na nagpapasakop at nagmamalasakit? Ikaw ba, sa gitna ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ay nakaalam ng pagiging mapaghimagsik at maka-satanas na kalikasan ng tao at nagkamit ng kaunting kaunawaan tungkol sa kabanalan ng Diyos? Ikaw ba, sa ilalim ng paggabay at pagliliwanag ng salita ng Diyos, ay nagsimulang magkaroon ng bagong pananaw tungkol sa buhay? Ikaw ba, sa gitna ng pagsubok na ipinadala ng Diyos, ay nakaramdam ng Kanyang hindi pagpayag sa mga pagkakasala ng tao at maging kung ano ang Kanyang hinihingi sa iyo at paano ka Niya inililigtas? Kung hindi mo alam kung paano ang magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, o kung paano lilinawin ang maling pagkaunawang ito, kung gayon masasabing hindi ka pa talaga nakapasok sa tunay na pakikipag-isa sa Diyos at hindi pa kailanman naintindihan ang Diyos, o kahit papaano masasabing hindi mo kailanman ninais na maintindihan Siya. Kung hindi mo alam kung ano ang disiplina at pagtutuwid ng Diyos, kung gayon tiyak na hindi mo alam kung ano ang pagpapasakop at pagmamalasakit, o kahit papaano hindi ka pa kailanman talagang nagpasakop o nagmalasakit sa Diyos. Kung hindi mo pa kailanman naranasan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, kung gayon hindi mo talaga malalaman kung ano ang Kanyang kabanalan, at lalong hindi magiging malinaw sa iyo kung ano ang paghihimagsik ng tao. Kung hindi ka pa talaga kailanman nagkaroon ng tamang pananaw sa buhay, o tamang layunin sa buhay, kundi nalilito pa at hindi makapagdesisyon tungkol sa iyong magiging landas ng buhay sa hinaharap, maging hanggang sa puntong nag-aalangan kang magpatuloy, kung gayon tiyak na hindi mo pa kailanman tunay na natanggap ang pagliliwanag at paggabay ng Diyos, at masasabi ring hindi ka pa kailanman tunay na natustusan o napunuan ng mga salita ng Diyos. Kung hindi ka pa napasailalim sa pagsubok ng Diyos, malinaw na hindi mo talaga malalaman ang hindi pagpapaubaya ng Diyos sa mga kasalanan ng tao, o hindi mo maiintindihan ang sa kahuli-hulihan ay hinihingi ng Diyos sa iyo, at lalo na, kung ano ang gawain Niya ng pamamahala at pagliligtas sa tao. Gaano man karaming taon na naniwala ang isang tao sa Diyos, kung hindi pa niya kailanman naranasan o nadama ang anuman sa mga salita ng Diyos, kung gayon tiyak na hindi pa niya nilalakaran ang daan tungo sa kaligtasan, ang pananampalataya niya sa Diyos ay tiyak na walang tunay na laman, ang pagkakilala niya rin sa Diyos ay tiyak na wala, at malinaw na wala siyang kamuwang-muwang kung paano magpitagan sa Diyos.
Ang mga pag-aari ng Diyos at pagiging Diyos, ang kakanyahan ng Diyos, ang Kanyang disposisyon—ang lahat ay ipinahayag sa Kanyang salita sa sangkatauhan. Kapag nararanasan niya ang mga salita ng Diyos, habang nangyayari ang mga ito, darating sa punto na maiintindihan ng tao ang layunin sa likod ng mga salitang sinasabi ng Diyos, at maiintindihan ang pinagmumulan at pinanggalingan ng mga salita ng Diyos, at maiintindihan at mapapahalagahan ang hinahangad na epekto ng mga salita ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang lahat ng mga ito ang mga bagay na dapat maranasan ng tao, matarok, at makuha upang makamit ang katotohanan at buhay, matarok ang mga intensyon ng Diyos, mabago sa kanyang disposisyon, at makapagpasakop sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Habang dinaranas, tinatarok, at kinukuha ng tao ang mga bagay na ito, unti-unti siyang magkakamit ng pagkaunawa sa Diyos, at sa panahong ito magkakamit din siya ng iba’t ibang antas ng pagkaunawa tungkol sa Kanya. Ang pagkaunawa at pagkakilalang ito ay hindi nanggagaling sa isang bagay na kathang-isip o binuo ng tao, kundi mula sa pinahahalagahan niya, nararanasan, nararamdaman, at pinatototohanan ng kanyang kalooban. Pagkatapos lamang mapahalagahan, maranasan, maramdaman at mapatotohanan ang mga bagay na ito saka nagkakaroon ng laman ang pagkakilala ng tao sa Diyos, tanging ang pagkakilalang nakamit niya sa panahong ito ang totoo, tunay, at tumpak, at ang prosesong ito—ng pagkamit ng totoong pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahalaga, pagdaranas, pakikiramdam, at pagpapatotoo sa Kanyang mga salita—ay walang iba kundi ang tunay na pakikipag-isa sa pagitan ng tao at Diyos. Sa gitna ng ganitong klase ng pakikipag-isa, nagagawang tunay na maintindihan at maabot ng tao ang mga intensyon ng Diyos, nagagawang tunay na maintindihan at malaman ang mga pag-aari ng Diyos at pagiging Diyos, nagagawang tunay na maintindihan at malaman ang kakanyahan ng Diyos, nagagawang unti-unting maintindihan at malaman ang disposisyon ng Diyos, nararating ang tunay na katiyakan tungkol sa, at tamang pagpapakahulugan ng, katunayan ng dominyon ng Diyos sa lahat ng sangnilikha, at nagkakamit ng sapat na tindig at kaaalaman tungkol sa pagkakakilanlan at posisyon ng Diyos. Sa gitna ng ganitong klase ng pakikipag-isa, binabago ng tao, unti-unti, ang mga iniisip niya tungkol sa Diyos, hindi na Siya kathang-isip mula sa kawalan, o hinahayaan ang kanyang mga hinala tungkol sa Kanya, o maling pagkaunawa sa Kanya, o paghusga sa Kanya, o paghatol sa Kanya, o pagdududa sa Kanya. Bunga nito, magkakaroon ang tao ng mas kaunting pakikipagdebate sa Diyos, magkakaroon siya ng mas kaunting alitan sa Diyos, at magkakaroon ng mas kaunting pagkakataon na maghihimagsik siya laban sa Diyos. Sa kabaligtaran, ang pagmamalasakit ng tao at pagpapasakop sa Diyos ay lalong lalago, at ang paggalang niya sa Diyos ay magiging mas tunay at malalim din. Sa gitna ng ganitong klaseng pakikipag-isa, hindi lamang makakamit ng tao ang pagkakaloob ng katotohanan at ang bautismo ng buhay, kundi kasabay nito makakamit din niya ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Sa gitna ng ganitong uri ng pakikipag-isa, hindi lamang mababago ang tao sa kanyang disposisyon at tatanggap ng kaligtasan, kundi ganoon din magkakaroon siya ng tunay na paggalang at pagsamba ng isang nilikha tungo sa Diyos. Sa pagkakaroon ng ganitong uri ng pakikipag-isa, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi na lamang isang blangkong piraso ng papel, o isang pangakong sa salita lamang, o isang anyo ng bulag na paghahabol at pag-iidolo; tanging sa ganitong klase ng pakikipag-isa lalago ang buhay ng tao tungo sa paggulang araw-araw, at ngayon lamang unti-unting mababago ang kanyang disposisyon, at ang pananampalataya niya sa Diyos ay, paisa-isang hakbang, lilipas mula sa malabo at hindi tiyak na paniniwala patungo sa tunay na pagpapasakop at pagmamalasakit, patungo sa tunay na paggalang; ang tao rin ay, sa kanyang paghahabol sa Diyos, unti-unting susulong mula sa pagiging walang-kibo patungo sa aktibong katayuan, mula sa pagiging kinikilusan patungo sa isang gumagawa ng positibo; tanging sa ganitong klase ng pakikipag-isa makakarating ang tao sa tunay na pagkaintindi at pagkaunawa sa Diyos, sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Dahil ang karamihan ng tao ay hindi pa kailanman nakapasok sa tunay na pakikipag-isa sa Diyos, ang pagkakilala nila sa Diyos ay humihinto sa antas ng teorya, sa antas ng mga sulat at mga doktrina. Ibig sabihin, ang karamihan ng mga tao, ilang taon man silang naniwala sa Diyos, pagdating sa pagkilala sa Diyos ay nananatili pa rin sa lugar kung saan sila nagsimula, natigil sa pundasyon ng tradisyunal na anyo ng pagsamba, na may kasamang gayak ng maalamat na kulay at makalumang pamahiin. Na ang pagkakilala ng tao sa Diyos ay nahinto sa pinagsimulan nito na nangangahulugang ito ay wala talaga. Maliban sa pagpapatotoo ng tao sa posisyon at pagkakakilanlan ng Diyos, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay nasa estado pa rin ng pag-aalinlangan. Dahil ganito, gaanong tunay na paggalang sa Diyos maaaring magkaroon ang tao?
Gaano man katatag ang paniniwala mo sa Kanyang pag-iral, hindi nito mapapalitan ang pagkakilala mo sa Diyos, maging ang paggalang mo sa Diyos. Gaano mo man tinatamasa ang mga pagpapala Niya at Kanyang biyaya, hindi nito mapapalitan ang pagkakilala mo sa Diyos. Gaano ka man kahanda at kasabik na italaga ang lahat ng sa iyo at gastahin ang lahat para sa Kanyang kapakanan, hindi nito mapapalitan ang pagkakilala mo sa Diyos. Marahil naging napakapamilyar na sa iyo ng mga salitang sinabi Niya, o kabisado mo pa nga at kaya mong bigkasin pabaligtad, pero hindi nito mapapalitan ang pagkakilala mo sa Diyos. Gaano man kaseryoso ang tao sa pagsunod sa Diyos, kung hindi pa siya nagkaroon ng tunay na pakikipag-isa sa Diyos, o nagkaroon ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, kung gayon ang pagkakilala niya sa Diyos ay magiging malinaw na walang laman o walang katapusang panaginip lamang; kahit na “nakabungguang-balikat” mo pa ang Diyos nang panandalian, o nakaharap Siya, ang pagkakilala mo sa Diyos ay magiging wala pa rin, at ang paggalang mo sa Diyos ay hindi hihigit sa hungkag na katawagan o isang mithiin.
Maraming tao ang hawak ang salita ng Diyos para basahin araw-araw, hanggang sa puntong maingat na sinasaulo ang lahat ng mga klasikong talata roon na kanilang pinakaiingatang yaman, at higit pa rito ipinangangaral ang mga salita ng Diyos sa lahat ng lugar, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa mga salita Niya, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng mga salita Niya sa kanilang mga tunay na buhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para matanggap nila ang parangal ng Diyos, at maligtas at maging perpekto. Pero, kahit na nangangaral sila ng mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman umaayon sa mga salita ng Diyos sa pagsasagawa, o sinusubukang iayon ang sarili nila sa kung ano ang ipinahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para makamit ang paghanga at pagtitiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para makapasok sa pamamahala nang sarili nila, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na gamitin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, para magawaran ng paggawa ng Diyos at Kanyang parangal. Ilang mga taon na ang lumipas, nguni’t ang mga taong ito’y hindi lamang nabigong umani ng parangal ng Diyos habang ipinangangaral ang mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daang dapat nilang sundan sa pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila hindi tumulong o nagtustos sa kanilang mga sarili habang tinutustusan at tinutulungan ang iba sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kumilala sa Diyos, o gisingin sa kanilang mga sarili ang tunay na paggalang sa Diyos, habang ginagawa ang lahat ng mga ito; pero sa kabaligtaran ang maling pagkaintindi nila tungkol sa Diyos ay lalong lumalalim, ang hindi nila pagtitiwala sa Kanya ay lalong lumalala, at ang mga naiisip nila tungkol sa Kanya ay lalong nagiging labis. Dahil mayroon silang tustos at patnubay na mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang gumagawa gamit ang kanilang mga angking galֵíng nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang layunin nila sa buhay, ang misyon nila, at para bang nagkaroon sila ng bagong buhay at naligtas, habang ang mga salita ng Diyos ay malutong na namumutawi sa bibig kapag binibigkas, para bang nakamit nila ang daan sa katotohanan, natarok ang mga intensyon ng Diyos, at nadiskubre ang daan sa pagkilala sa Diyos, na para bang, habang ipinangangaral ang mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Isa pa, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang tumangis, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa paghawak nang mahigpit sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting intensyon, at kasabay noon natarok ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nakaalam sa Kanyang kakanyahan, at nakaintindi sa Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa ganitong pundasyon, tila mas lalo pa silang naniniwala na mayroong Diyos, na mas nakikilala nila ang Kanyang matayog na kalagayan, at mas nararamdaman nila nang malalim ang Kanyang kadakilaan at pagiging-higit-sa-lahat. Dahil babad sila sa mababaw na kaalaman sa mga salita ng Diyos, tila mukhang ang pananampalataya nila ay lumago, ang determinasyon nilang tiisin ang pagdurusa ay lumakas, at ang pagkakilala nila sa Diyos ay lumalim. Hindi nila alam, hangga’t hindi nila talagang nararanasan ang mga salita ng Diyos, ang lahat ng kaalaman nila sa Diyos at ang kanilang mga palagay tungkol sa Kanya ay galing sa kanilang sariling kathang-isip at haka-haka. Hindi tatagal ang pananampalataya nila sa anumang uri ng pagsusulit mula sa Diyos, ang kanilang di-umano’y espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang paninindigan ay walang iba kundi isang kastilyong buhangin, at ang di-umano’y pagkakilala rin sa Diyos ay mga guni-guni lamang. Sa katunayan, ang mga taong ito, na wari ay, nagsisikap para sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa kahit kailanman nakatanto kung ano talaga ang pananampalataya, ano ang tunay na pagpapasakop, ano ang tunay na pagkalinga, o ano ang tunay na pagkakakilala sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawa itong “kapital na pampuhunan” at “mga sandatang militar” para sa paniniwala sa Diyos at paghahabol sa Kanya, ginagawa pa ang mga ito na pundasyon ng kanilang paniniwala sa Diyos at paghahabol sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang kapital na ito at mga sandata at ginagawa ang mga itong mahikang anting-anting para kilalanin ang Diyos, para katagpuin at labanan ang pagsusuri ng Diyos, pagsubok, pagkastigo, at paghatol. Sa katapusan, ang kanilang naipon ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, mga sinaunang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso, at ang kanilang paraan ng pagkilala at pagpapakahulugan sa Diyos ay gaya pa rin ng dati, tulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Himpapawid, samantalang ang katotohanan tungkol sa Diyos, ang Kanyang kakanyahan, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at pagka-Diyos, at iba pa—lahat ng may kinalaman sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi nagawang matarok ng kanilang pag-alam, ay ganap na hindi-angkop at malayong magkaiba. Sa ganitong paraan, kahit na sila ay nasa ilalim ng pagtutustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay na nakatahak sa daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Ang tunay na dahilan para dito ay hindi talaga sila nakakilala sa Diyos, at ni hindi rin sila kahit minsan nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o pakikipag-isa sa Kanya, kung kaya imposible para sa kanila na makarating sa pakikipag-unawaan sa Diyos, o magising sa kanila ang isang tunay na paniniwala, paghahabol, o pagsamba para sa Diyos. Na dapat nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobin nilang ito ang naging dahilan kaya walang bunga ang mga pagsisikap nila, kaya kailanman sa walang-hanggan hindi nila malalakaran ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama. Ang layunin na kanilang tinutudla, at ang direksyon na kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na mga kaaway sila ng Diyos sa buong kawalang-hanggan, at na sa buong kawalang-hanggan hindi sila kailanman makakatanggap ng kaligtasan.
Kung, sa kaso ng taong nakasunod sa Diyos nang maraming taon at nakatamasa ng pagtustos ng Kanyang mga salita nang maraming taon, ang pakahulugan niya sa Diyos ay, sa kakanyahan nito, katulad ng sa isang taong sumasamba sa mga idolo, kung gayon ipinahihiwatig nito na ang taong ito ay hindi nakatamo sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil talagang hindi siya nakapasok sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, at sa kadahilanang ito, ang pagkatotoo, ang katotohanan, ang mga intensyon, at mga hinihingi sa sangkatauhan, na lahat ay nakapaloob sa mga salita ng Diyos, ay walang anumang kinalaman sa kanya. Ibig sabihin nito, gaano man katindi ang maaring gawing pagsisikap ng taong ito sa mababaw na kahulugan ng mga salita ng Diyos, ang lahat ay walang saysay: Dahil ang hinahabol niya ay mga salita lamang, ang makukuha niya ay hindi maiiwasang mga salita rin lamang. Kung ang mga salitang sinabi man ng Diyos ay, sa panlabas na anyo, malinaw o malalim, ang mga iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao sa pagpasok niya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buháy na nagbibigay sa kanya ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at katawan. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buháy; ang doktrina at paniniwala para sa pagpapatakbo ng pang-araw-araw na buhay; ang daan, layunin, at direksyon na dapat daanan upang makatanggap ng kaligtasan; bawa’t katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawa’t katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buháy ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagsasanhi sa tao na maging malakas at tumáyô. Sagana ang mga iyon sa katunayan ng katotohanan ng normal na pagkatao tulad ng pagsasapamuhay nito ng nilikhang sangkatauhan, mayaman sa katotohanan kung saan sa pamamagitan nito ang sangkatauhan ay nakakatakas mula sa kasamaan at nakakaiwas sa mga patibong ni Satanas, mayaman sa walang-pagod na pagtuturo, panghihikayat, pagpapalakas ng loob, at kaaliwan na ibinibigay ng Manlilikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagliliwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na ang mga tao ay magsasabuhay at magtataglay ng lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ay lahat sinusukat, at ang tanda sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa daan ng liwanag. Tanging sa tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos natutustusan ang tao ng katotohanan at ng buhay; tanging dito siya nagkakaroon ng kaunawaan kung ano ang normal na pagkatao, ano ang isang makahulugang buhay, ano ang isang tunay na nilalang, ano ang tunay na pagsunod sa Diyos; tanging dito siya dumarating sa pagkaunawa kung paano siya dapat magmalasakit sa Diyos, paano tumupad ng tungkulin ng isang nilikhang kabuuan, at kung paano magtaglay ng wangis ng isang tunay na tao; tanging dito lamang siya dumarating sa pagkaunawa kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya at tunay na pagsamba; tanging dito lamang niya nauunawaan kung sino ang Naghahari sa mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay; tanging dito siya dumarating sa pagkaunawa ng pamamaraan kung saan ang Isa na Siyang Panginoon ng lahat ng sangnilikha ay naghahari, nangunguna, at nagkakaloob para sa sangnilikha; at tanging dito siya nakakarating sa pagkaunawa at pagkatarok ng paraan kung saan ang Isa na Siyang Panginoon ng buong sangnilikha ay umiiral, nahahayag, at gumagawa…. Hiwalay sa tunay na karanasan ng mga salita ng Diyos, ang tao ay walang tunay na kaalaman o panloob na pananaw tungo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang ganitong tao ay talagang isang buhay na bangkay, isang lalagyang walang kalaman-laman, at lahat ng kaalaman na may kaugnayan sa Manlilikha ay walang anumang kinalaman sa kanya. Sa mga mata ng Diyos, ang ganitong tao ay hindi kailanman nanampalataya sa Kanya, ni hindi kahit minsan sumunod sa Kanya, kaya hindi siya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mananampalataya o Kanyang tagasunod, lalong hindi isang tunay na nilalang.
Ang tunay na nilalang ay dapat na makakilala kung sino ang Manlilikha, kung para saan ang pagkakalikha sa tao, kung paano isakatuparan ang mga responsibilidad ng isang nilalang, at kung paano sambahin ang Panginoon ng lahat ng sangnilikha, dapat maunawaan, matarok, malaman, at pagmalasakitan ang mga intensyon ng Manlilikha, mga nais, mga hinihingi, at dapat na kumilos ayon sa paraan ng Manlilikha—ang matakot sa Diyos at umiwas sa masama.
Ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? At paano umiwas sa masama?
Ang “magkaroon ng takot sa Diyos” ay hindi nangangahulugang walang katulad na sindak at takot, ni hindi ang umiwas, o lumayo, at hindi rin ito pagsamba sa diyos-diyosan o pamahiin. Sa halip, isa itong paghanga, pagpapahalaga, pagtitiwala, pag-unawa, pangangalaga, pagsunod, pagtatalaga, pag-ibig, at maging, walang-kundisyon at walang-pagrereklamong pagsamba, pagbabalik, at pagsuko. Kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi magkakaroon ng tunay na paghanga, tunay na pagtitiwala, tunay na kaunawaan, tunay na pangangalaga o pagsunod, kundi takot at pagkabalisa lamang, pagdududa lamang, di-pagkakaunawaan, pagtakas, at pag-iwas; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi magkakaroon ng tunay na pagtatalaga at pagbabalik; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi magkakaroon ng tunay na pagsamba at pagsuko, tanging bulag na pag-idolo lamang at pamahiin; kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang sangkatauhan ay hindi makakakilos ayon sa paraan ng Diyos, o matatakot sa Diyos, o iiwas sa masama. Sa kabaligtaran, bawa’t aktibidad at pag-uugali ng tao ay mapupuno ng paghihimagsik at pagsuway, ng mapanirang-puring pagbibintang at hindi-totoong paghatol tungkol sa Diyos, at masamang asal na taliwas sa katotohanan at tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos.
Sa pagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, malalaman talaga ng sangkatauhan kung paano sumunod sa Diyos at umasa sa Kanya; tanging sa tunay na pananalig at pagtitiwala sa Diyos magkakaroon ang sangkatauhan ng tunay na pagkaunawa at pag-abot; kasama ng tunay na pag-abot sa Diyos ay ang tunay na pagmamalasakit sa Kanya; tanging sa tunay na pagmamalasakit sa Diyos magkakaroon ang sangkatauhan ng tunay na pagsunod; tanging sa tunay na pagsunod sa Diyos magkakaroon ang sangkatauhan ng tunay na pagtatalaga; tanging sa tunay na pagtatalaga sa Diyos makakapagbalik ang sangkatauhan nang walang kundisyon at walang pagrereklamo; tanging sa tunay na pananalig at pagtitiwala, tunay na pagkaunawa at pagmamalasakit, tunay na pagsunod, tunay na pagtatalaga at pagbabalik, tunay na malalaman ng sangkatauhan ang disposisyon at kakanyahan ng Diyos, at malalaman ang pagkakakilanlan ng Manlilikha; tanging kapag nakilala nila ng tunay ang Manlilikha magigising ang sangkatauhan sa tunay na pagsamba at pagsuko; tanging kapag may tunay na pagsamba at pagsuko sa Manlilikha magagawa ng sangkatauhan na isantabi ang kanilang masasamang gawi, ang ibig sabihin, umiwas sa masama.
Ito ang buong proseso ng “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama,” at siya ring nilalaman sa kabuuan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama, at maging ang daan na dapat bagtasin para makarating sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama.
Ang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama” at pagkilala sa Diyos ay di-mapaghihiwalay at pinagdugtong ng di-mabilang na mga tali, at ang koneksyon sa pagitan nila ay malinaw. Kung nais ninuman na makaiwas sa masama, dapat munang magkaroon ang taong iyon ng tunay na pagkatakot sa Diyos; kung nais ninuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, dapat munang magkaroon siya ng tunay na pagkakilala sa Diyos; kung nais ninuman na magkaroon ng pagkakilala sa Diyos, dapat muna niyang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa pagkatotoo ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais ninuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, dapat muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at hingin sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataon para maranasan ang mga salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng klase ng kapaligirang kinapapalooban ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay; kung nais ninuman na makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, dapat munang magkaroon ang sinuman ng isang simple at tapat na puso, kahandaang tanggapin ang katotohanan, pagpapasyang tiisin ang pagdurusa, determinasyon at tapang na iwasan ang masama, at ang mithiin na maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa unti-unting pagpapatuloy, malalapit kang lalo sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at ang iyong buhay at halaga ng pagiging buháy ay, kalakip ang iyong pagkakilala sa Diyos, magiging mas makahulugan at magiging mas maningning. Hanggang, isang araw, mararamdaman mo na ang Manlilikha ay hindi na isang palaisipan, na ang Manlilikha ay hindi kailanman natatago mula sa iyo, na ang Manlilikha ay hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha mula sa iyo, na ang Manlilikha ay hindi pala malayo sa iyo, na ang Manlilikha ay hindi na ang Siyang lagi mong pinananabikan sa iyong mga kaisipan pero hindi mo maabot ng iyong damdamin, na Siya ay talaga at tunay na nakatindig na nakabantay sa iyong kaliwa at kanan, nagtutustos ng iyong buhay at nagkokontrol ng iyong tadhana. Wala Siya sa malayong abot-tanaw, at hindi rin Niya isinikreto ang Sarili Niya sa itaas sa mga ulap. Nasa mismong tabi mo Siya, nangangasiwa sa lahat mo, Siya ang lahat na mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay nagpapahintulot sa iyo na mahalin Siya mula sa puso, kapitan Siya, hawakan Siya nang malapitan, hangaan Siya, matakot na mawala Siya, at hindi na maging handang Siya ay talikuran, hindi na Siya suwayin, o hindi na Siya iwasan o layuan. Ang gusto mo lamang ay pagmalasakitan Siya, sundin Siya, ibalik ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at sumuko sa Kanyang kapangyarihan. Hindi mo na tinatanggihan na magabayan, matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi mo na tinatanggihan ang idinidikta at itinatakda Niya para sa iyo. Ang gusto mo lamang ay ang sundan Siya, lumakad kasama Siya sa kaliwa o kanan, ang tanging gusto mo ay tanggapin Siya bilang ang nag-iisa at tanging buhay mo, ang tanggapin Siya bilang iyong nag-iisa at tanging Panginoon, ang iyong nag-iisa at tanging Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento