Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos, iniibig ang Diyos, at napalulugod ang Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang mga puso, sa gayon ay nakakamtan ang Kanyang kaluguran; kapag taos-puso silang nakikiugnay sa mga salita ng Diyos, naaantig sila ng Espiritu ng Diyos. Kung nais mong matamo ang isang angkop na espirituwal na buhay at makapagtatag ng isang angkop na kaugnayan sa Diyos, dapat mo munang ibigay ang iyong puso sa Kanya, at ipanatag ang iyong puso sa harap Niya. Kapag naibuhos mo na ang iyong buong puso sa Diyos saka mo lamang mapapaunlad nang unti-unti ang isang angkop na espirituwal na buhay. Kung hindi ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nila, kung gayon ang lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, at ito ay pawang pag-uugali ng mga taong relihiyoso—hindi nito matatamo ang papuri ng Diyos. Ang Diyos ay hindi makakakuha ng anuman mula sa taong ganito; ang ganitong uri ng tao ay makakapaglingkod lamang bilang isang hambingan sa gawain ng Diyos, kagaya ng isang palamuti sa tahanan ng Diyos, nakapagpapasikip lamang, at isang walang kabuluhan—hindi kinakasangkapan ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Ang isang taong gayon ay hindi lamang walang pagkakataon para sa gawain ng Banal na Espiritu, nguni’t higit pa, walang anumang halaga sa pagka-perpekto. Ang ganitong uri ng tao ang siyang totoong “patay na naglalakad.” Wala silang mga sangkap na maaaring kasangkapanin ng Banal na Espiritu—silang lahat ay inangkin na ni Satanas, lubos nang ginawang tiwali ni Satanas, at sila ang pakay ng pag-aalis ng Diyos. Hindi lamang kinakasangkapan ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagpapairal sa kanilang mabubuting katangian, ngunit gayundin sa pagka-perpekto at pagbabago sa kanilang mga pagkukulang. Kung ang iyong puso ay maibubuhos sa Diyos at mananatiling payapa sa harap ng Diyos, kung gayon magkakaroon ka ng pagkakataon at ng mga kwalipikasyon upang kasangkapanin ng Banal na Espiritu, upang tanggapin ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at higit pa, makakamtam mo ang pagkakataon para sa Banal na Espiritu na makabawi para sa iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo ang iyong puso sa Diyos, mas lalo kang makapapasok nang mas malalim sa positibong aspeto at mapupunta sa mas mataas na uri ng pananaw; sa negatibong aspeto, magkakaroon ka ng mas maraming pagkaunawa ukol sa iyong sariling mga pagkakamali at mga pagkukulang, magiging mas masigasig ka na hangaring mapalugod ang kalooban ng Diyos, at hindi ka magiging walang kibo, at aktibong makapapasok. Mangangahulugan ito na ikaw ay isang tamang tao. Sa saligan na ang iyong puso ay panatag sa harap ng Diyos, ang susi kung nakatatanggap ka ng papuri mula sa Banal na Espiritu o hindi at kung napapalugod mo ang Diyos o hindi ay kung aktibo kang makapapasok. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang isang tao at kinakasangkapan ang isang tao, hindi kailanman nito siya ginagawang negatibo, ngunit palaging ginagawa siyang aktibong sumusulong. Bagama’t mayroon siyang mga kahinaan, nagagawa niyang huwag mabuhay alinsunod sa mga ito, nagagawa niyang umiwas mula sa pag-aantala sa paglago ng kanyang buhay, at naipagpapatuloy niyang hangarin na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang pamantayan na sapat na nagpapatunay na iyong nakamit ang presensiya ng Banal na Espiritu. Kapag ang isang tao ay palaging negatibo, at maging pagkatapos na siya ay niliwanagan upang makilala ang sarili niya nananatili pa rin siyang negatibo at walang kibo, hindi magawang bumangon at kumilos kasama ng Diyos, kung gayon tinatanggap lamang ng ganitong uri ng tao ang biyaya ng Diyos, ngunit ang Banal na Espiritu ay hindi niya kasama. Kapag ang isang tao ay negatibo, nangangahulugan ito na ang kanyang puso ay hindi ibinaling sa Diyos at ang kanyang espiritu ay hindi inantig ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dapat kilalanin ng lahat.
Maaaring makita mula sa karanasan na isa sa pinakamahalagang usapin ay ang pagpapatahimik ng puso ng isang tao sa harap ng Diyos. Ito ay isang usapin na may kinalaman sa espirituwal na buhay ng mga tao, at sa paglago ng kanilang buhay. Kung ang iyong puso ay panatag sa harap ng Diyos saka lamang magbubunga ang iyong paghahangad sa katotohanan at sa mga pagbabago sa iyong disposisyon. Sapagka’t lumalapit kang may pasanin sa harap ng Diyos at palagi mong nadarama na masyado kang maraming kakulangan, na maraming katotohanan ang kailangan mong malaman, maraming realidad ang kailangan mong maranasan, at na dapat mong ibigay ang bawat pagmamalasakit sa kalooban ng Diyos—ang mga bagay na ito ay palaging nasa iyong isip, at para bang dinadaganan ka ng mga ito nang husto na hindi ka na makakahinga, at kung kaya nakadarama ka ng sobrang kalungkutan (nguni’t hindi sa isang negatibong kalagayan). Ang mga tao lamang na kagaya nito ang karapat-dapat na tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at maantig ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil sila ay napakalungkot, at, maaaring sabihin, dahil sa halaga na kanilang ibinayad at ang pagdurusa na kanilang tiniis sa harap ng Diyos kaya nila natatanggap ang Kanyang kaliwanagan at pagpapalinaw, sapagka’t hindi binibigyan ng Diyos ang sinuman ng natatanging pagtrato. Palagi Siyang patas sa Kanyang pagtrato sa mga tao, nguni’t hindi rin Siya kapritsoso sa Kanyang paglalaan sa mga tao, at hindi nagbibigay sa kanila nang walang pasubali. Ito ay isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa nakakamit ng karamihan sa mga tao ang kinasasaklawang ito. Sa paanuman, ang kanilang puso ay hindi pa lubos na bumabaling sa Diyos, at kung kaya wala pa ring anumang malaking pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ay dahil sa nabubuhay lamang sila sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi pa nila nakakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga saligan para sa pagkasangkapan ng Diyos sa mga tao ay ang mga sumusunod: Ang kanilang mga puso ay bumabaling sa Diyos, pasan nila ang mga salita ng Diyos, taglay nila ang isang puso na nasasabik, at taglay nila ang paninindigan upang hangarin ang katotohanan. Ang ganitong uri ng mga tao lamang ang makakapagkamit sa gawain ng Banal na Espiritu at madalas na makakamit ang kaliwanagan at pagpapalinaw. Ang mga tao na kinakasangkapan ng Diyos ay lumilitaw mula sa panlabas na hindi makatuwiran at tila hindi nagtataglay ng wastong kaugnayan sa iba, bagamat sila ay nagsasalita nang may kawastuan, hindi basta nagsasalita, at palaging magagawang ipanatag ang puso sa harap ng Diyos. Ngunit ang ganitong uri ng tao lamang ang siyang sapat upang kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Ang “di-makatwirang” tao na ito na binabanggit ng Diyos ay tila walang wastong mga kaugnayan sa iba, at wala silang taglay na panlabas na pag-ibig o mababaw na mga pagsasagawa, ngunit kapag ibinabahagi nila ang mga espirituwal na bagay magagawa nilang buksan ang kanilang puso at inilalaan nang walang pag-iimbot sa iba ang pagapalinaw at kaliwanagan na kanilang natamo mula sa kanilang totoong karanasan sa harap ng Diyos. Sa ganitong paraan nila ipinahahayag ang kanilang pag-ibig sa Diyos at pinalulugod ang kalooban ng Diyos. Kapag ang iba ay pawang sinisiraan sila ng puri at nililibak sila, nagagawa nilang hindi nasusupil ng nasa labas na mga tao, mga pangyayari, o mga bagay, at mananatili pa ring panatag sa harap ng Diyos. Tila taglay ng gayong tao ang kanilang sariling natatanging mga pananaw. Hindi alintana ang iba, ang kanilang puso ay hindi kailanman iniiwan ang Diyos. Kapag ang iba ay masayang nag-uusap at nagtatawanan, ang kanilang puso ay nananatili pa rin sa harap ng Diyos, binubulay-bulay ang mga salita ng Diyos o tahimik na nananalangin sa Diyos na nasa kanilang puso, hinahangad ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila kailanman ginagawang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ang pagpapanatili ng kanilang wastong mga kaugnayan sa ibang mga tao. Tila ang gayong tao ay walang pilosopiya sa buhay. Sa panlabas, ang taong ito ay masigla, kaibig-ibig, at walang muwang, ngunit nagtataglay din ng isang diwa ng kapanatagan. Ito ang wangis ng isang tao na kinakasangkapan ng Diyos. Ang mga bagay kagaya ng pilosopiya sa buhay o “normal na katuwiran” ay hindi makalulusot sa ganitong uri ng tao; itinalaga na ng ganitong uri ng tao ang kanyang buong puso sa salita ng Diyos, at tila ang Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Ito ang uri ng tao na siyang tinutukoy ng Diyos na isang tao na “walang katuwiran,” at ang tao lamang na kinakasangkapan ng Diyos. Ang tatak ng isang tao na kinakasangkapan ng Diyos ay: Kailanman o saan man, ang kanyang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kasama ang iba, gaano man sila nagpapalayaw sa kahalayan, nakikibahagi sa laman—hindi kailanman iniiwan ng kanyang puso ang Diyos, at hindi siya sumusunod sa nakararami. Ang ganitong uri lamang ng tao ang angkop para sa pagkasangkapan ng Diyos, at siya talaga yaong ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo magawang maabot ang kalagayang ito, kung gayon hindi ka nararapat kamtin ng Diyos, na gawing perpekto ng Banal na Espiritu.
Kung nais mong magkaroon ng wastong kaugnayan sa Diyos, dapat na ibaling ang iyong puso sa Diyos, at sa saligang ito, magkakaroon ka rin ng wastong kaugnayan sa ibang mga tao. Kung wala kang wastong kaugnayan sa Diyos, maging anuman ang iyong gawin upang mapanatili ang iyong kaugnayan sa ibang mga tao, kahit gaano ka man kasikap gumawa o gaano man karaming lakas ang iyong ibuhos, makakabilang pa rin ito sa isang pilosopiya sa buhay ng tao. Pinananatili mo ang iyong kalagayan sa gitna ng mga tao sa pamamagitan ng isang pananaw ng tao at isang pilosopiya ng tao upang purihin ka nila. Hindi ka nagtatatag ng wastong mga kaugnayan sa mga tao alinsunod sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao ngunit nagpapanatili ng isang wastong kaugnayan sa Diyos, kung ikaw ay nakahandang ibigay ang iyong puso sa Diyos at matututuhang sundin Siya, likas lamang na ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao ay magiging wasto. Sa ganitong paraan, ang mga kaugnayang ito ay hindi itinatatag sa laman, ngunit sa saligan ng pag-ibig ng Diyos. Halos walang mga pakikipag-ugnayan batay sa laman, ngunit sa espiritu ay mayroong pagsasamahan gayundin ng pag-ibig, kaaliwan, at paglalaan para sa isa’t isa. Ang lahat ng ito ay ginagawa sa saligan ng isang puso na pinalulugod ang Diyos. Ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pananangan sa pilosopiya ng tao sa buhay, ngunit ang mga ito ay napakalikas na binubuo sa pamamagitan ng pasanin para sa Diyos. Hindi kinakailangan ng mga ito ang pagsisikap ng tao—ang mga ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga prinsipyo ng salita ng Diyos. Nakahanda ka bang maging mapagbigay tungo sa kalooban ng Diyos? Nakahanda ka bang maging isang tao na “walang katuwiran” sa harap ng Diyos? Nakahanda ka bang ibigay nang lubos ang iyong puso sa Diyos, at hindi isasaalang-alang ang iyong katayuan sa gitna ng mga tao? Sa lahat ng tao na nakasalamuha mo, kanino sa mga ito nagkaroon ka ng pinakamahusay na mga kaugnayan? Kanino sa mga ito nagkaroon ka ng pinakamalalang mga kaugnayan? Ang iyo bang mga kaugnayan sa mga tao ay wasto? Tinatrato mo ba ang lahat ng tao nang pantay-pantay? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba alinsunod sa iyong pilosopiya sa buhay, o ang mga ito ay nakatatag sa saligan ng pag-ibig ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng isang tao ang kanyang puso sa Diyos, at ang kanyang espiritu ay nagiging mapurol, ito ay nagiging manhid at walang malay. Hindi kailanman mauunawaan ng ganitong uri ng tao ang mga salita ng Diyos at hindi kailanman magkakaroon ng isang wastong kaugnayan sa Diyos; hindi kailanman babaguhin ng ganitong uri ng tao ang kanilang disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang proseso ng pagbibigay nang lubos ng isang tao sa kanyang puso sa Diyos, at ang pagtanggap ng kaliwanagan at pagpapalinaw mula sa mga salita ng Diyos. Mapapahintulutan ng gawain ng Diyos ang isang tao na makapasok nang aktibo, gayundin tinutulungan siya na alisin ang kanyang negatibong mga aspeto pagkatapos magkamit ng kaalaman. Kung nagagawa mong ibigay ang iyong puso sa Diyos, magagawa mong maramdaman ang bawat di-kapansin-pansing pagpapakilos sa loob ng iyong espiritu, at malalaman mo ang bawat kaliwanagan at pagpapalinaw na tinanggap mula sa Diyos. Panghawakan ito, at unti-unti kang makapapasok sa landas ng pagperpekto ng Banal na Espiritu. Habang lalong maaaring maging panatag ang iyong puso sa harap ng Diyos, lalong mas magiging sensitibo at maselan ang iyong espiritu, at lalong mas mararamdaman ng iyong espiritu ang pagpapakilos ng Banal na Espiritu, at sa gayon ang iyong kaugnayan sa Diyos ay lalo pang magiging wasto. Ang isang wastong kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay itinatatag sa saligan ng pagbibigay ng kanilang puso sa Diyos; hindi ito natatamo sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos, ang mga kaugnayan a pagitan ng mga tao ay mga kaugnayan lamang ng laman. Ang mga ito ay hindi wasto, ngunit nagpapalayaw sa laman—ang mga ito ay mga kaugnayan na kinamumuhian ng Diyos, na Kanyang kinasusuklaman. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay pinakilos, ngunit gusto mo palaging magkaroon ng pagsasamahan sa mga tao na kinagigiliwan mo, sa kaninumang tinitingala mo, at kung magkaroon man ng ibang naghahangad na hindi mo kinagigiliwan, yaong hindi mo itinatangi at hindi pakikisamahan, ito ay lalo pang nagpapatunay na ikaw ay taong maramdamin at wala kang wastong kaugnayan sa Diyos sa anumang paraan. Tinatangka mong linlangin ang Diyos at ikubli ang iyong sariling kapangitan. Kahit na magagawa mong magbahagi ng ilang pagkaunawa ngunit ang dala-dala mo ay maling mga layunin, ang lahat ng iyong ginagawa ay mainam lamang sa mga pamantayan ng tao. Hindi ka pupurihin ng Diyos—ikaw ay kumikilos alinsunod sa laman, hindi alinsunod sa pasanin ng Diyos. Kung nagagawa mong ipanatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at mayroong wastong mga pakikipag-ugnayan sa lahat niyaong umiibig sa Diyos, sa gayon ka lamang nagiging angkop sa pagkasangkapan ng Diyos. Sa ganitong paraan, gaano ka man nakikisalamuha sa iba, hindi ito magiging ayon sa isang pilosopiya sa buhay, ngunit ito ay pamumuhay sa harap ng Diyos, na pagsasaalang-alang sa Kanyang pasanin. Gaano karaming taong kagaya nito ang naroroon sa gitna ninyo? Ang iyo bang mga kaugnayan sa iba ay talagang wasto? Saang saligan itinatag ang mga ito? Ilang pilosopiya sa buhay ang naririyan sa loob mo? Itinakwil na ba ang mga ito? Kung ang iyong puso ay hindi lubos na maibabaling sa Diyos, kung gayon hindi ka sa Diyos—ikaw ay galing kay Satanas, at sa bandang huli ikaw ay isasauli kay Satanas. Hindi ka karapat-dapat na makabilang sa mga tao ng Diyos. Ang lahat ng ito ay kinakailangan ang iyong maingat na pagsasaalang-alang.
______________________________________________
Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang mailigtas ang tao at iperpekto ang tao at gumagamit ng mga salita upang maihayag ang tao at puksain ang tao. Kapag napagtanto natin ang kahalagahan ng salita ng Diyos, dapat nating tanggapin at isagawa ang mga salita ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento