Gaano mo kamahal ang Diyos sa ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga bagay na dapat mong matutuhan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang nagawa sa tao at itinulot na makita ng tao ay upang mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil din ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi pa kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na minamahal ang Diyos. Habang mas lumalaki ang gawain ng Diyos sa tao, at habang mas tumitindi ang pagdurusa ng tao, mas maliwanag kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at na mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano mo natututuhan kung paano mahalin ang Diyos? Kung walang paghihirap at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, pag-ibig, at awa—magagawa mo ba talagang tunay na mahalin ang Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng Kanyang mga pagsubok gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang sitwasyon para sa tao kaya mas nararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng nakapanlulumong pagdadalamhati—sa pagdanas nito, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi mo pa natatamo ang Diyos, at ang iyong paniniwala sa Diyos ay hindi maituturing na matagumpay. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, pag-ibig, at awa. Sa mga karanasan ng tao nararanasan niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang pag-ibig at awa ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng kaunting panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at awa ay walang kakayahang gawing perpekto ang tao, walang kakayahang ihayag yaong tiwali sa kalooban ng tao, ni hindi nito nagagawang alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananampalataya. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.
Sa pamamagitan ng ano isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, kamahalan, paghatol, at sumpa, at ang Kanyang pagperpekto sa tao higit sa lahat ay sa pamamagitan ng paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, “Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba parurusahan ang tao? Kung gayon paano pa siya magagawang perpekto?” Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang pagsuway ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita at wala ni katiting na pagkasensitibo, ibinubunyag Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, ibinubunyag sa pamamagitan ng istriktong mga salitang ito kung ano yaong mahalaga sa kalooban ng tao, ngunit sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa pagsunod sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay makasalanan at kay Satanas, ito ay suwail, at siyang pakay ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, kailangan niyang sapitin ang mga salita ng paghatol ng Diyos at kailangang gamitan ito ng bawat uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos.
Maaaring makita mula sa mga salitang sinasabi ng Diyos na isinumpa na Niya ang laman ng tao. Ang mga salita bang ito, kung gayon, ang mga salita ng sumpa? Ibinubunyag ng mga salitang sinasabi ng Diyos ang tunay na kulay ng tao, at sa pamamagitan ng gayong paghahayag ay hinahatulan siya, at kapag nakikita niya na hindi niya napapalugod ang kalooban ng Diyos, nadarama niya sa kanyang kalooban ang kalungkutan at pagsisisi, nadarama niya na napakalaki ng kanyang pagkakautang sa Diyos, at hindi sapat para sa kalooban ng Diyos. May mga pagkakataon na dinidisiplina ka ng Banal na Espiritu mula sa iyong kalooban, at ang pagdidisiplinang ito ay nagmumula sa paghatol ng Diyos; may mga pagkakataon na sinasaway ka ng Diyos at itinatago ang Kanyang mukha sa iyo, kapag hindi ka Niya pinakikinggan at hindi ka ginagawaan, tahimik kang kinakastigo upang pinuhin ka. Ang gawain ng Diyos sa tao higit sa lahat ay para linawin ang Kanyang matuwid na disposisyon. Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ang Diyos na matuwid, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, mahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, kamahalan, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang-hanggang kalaliman, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananampalataya ng tao; hindi Niya pinatay ang tao, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay yaong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katotohanang isinasagawa ng Diyos ay hindi natatapos ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang maunawaan mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang lubos na kawalang-halaga ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang kamahalan at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na nililinaw Niya sa inyong kalooban—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.
Sa tradisyonal na mga pagkaunawa ng tao, ang pag-ibig ng Diyos ay ang Kanyang biyaya, awa, at simpatiya para sa kahinaan ng tao. Bagama’t ang mga bagay na ito ay pag-ibig din ng Diyos, masyadong may kinikilingan ang mga ito, at hindi ang pangunahing kaparaanan na ginagawang perpekto ng Diyos ang tao. Kapag kasisimula pa lamang maniwala ng ilang tao sa Diyos, ito ay dahil sa karamdaman. Ang karamdamang ito ay ang biyaya ng Diyos para sa iyo; kung wala ito, hindi ka maniniwala sa Diyos, at kung hindi ka naniwala sa Diyos ay hindi ka makararating nang ganito kalayo—at sa gayon ay pag-ibig ng Diyos maging ang biyayang ito. Sa panahon ng paniniwala kay Jesus, maraming ginawa ang mga tao na hindi kaibig-ibig sa Diyos dahil hindi nila naunawaan ang katotohanan, ngunit ang Diyos ay may pag-ibig at awa, at dinala na Niya ang tao nang ganito kalayo, at bagama’t walang nauunawaang anuman ang tao, hinahayaan pa rin ng Diyos ang tao na sumunod sa Kanya, at, bukod pa roon, inakay na Niya ang tao hanggang sa ngayon. Hindi ba ito ang pag-ibig ng Diyos? Yaong namamalas sa disposisyon ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos—tama talaga ito! Nang nasa kasukdulan na ang pagtatayo ng iglesia, ginawa ng Diyos ang hakbang ng gawaKalooban ng Diyosin ng mga tagapagsilbi at itinapon ang tao sa walang-hanggang kalaliman. Ang mga salita sa panahon ng mga tagapagsilbi ay pawang mga sumpa: mga sumpa ng iyong laman, mga sumpa ng iyong napakasamang tiwaling disposisyon, at mga sumpa ng mga bagay tungkol sa iyo na hindi nakalulugod sa kalooban ng Diyos. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa hakbang na iyon ay ipinamalas bilang kamahalan, pagkatapos ay isinagawa kaagad ng Diyos ang hakbang ng gawain ng pagkastigo, at sumapit ang pagsubok na kamatayan. Sa gayong gawain, nakita ng tao ang poot, kamahalan, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, ngunit nakita rin niya ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang pag-ibig at Kanyang awa; lahat ng ginawa ng Diyos, at lahat ng ipinamalas bilang Kanyang disposisyon, ay pag-ibig sa tao, at lahat ng ginawa ng Diyos ay nagawang tuparin ang mga pangangailangan ng tao. Ginawa Niya ito upang gawing perpekto ang tao, at naglaan Siya para sa tao ayon sa tayog nito. Kung hindi ito nagawa ng Diyos, hindi sana makakaharap ang tao sa Diyos at walang paraan para malaman niya ang tunay na mukha ng Diyos. Mula nang unang simulan ng tao na maniwala sa Diyos hanggang sa ngayon, unti-unti nang naglaan ang Diyos para sa tao alinsunod sa tayog ng tao, kaya nga, sa kalooban, unti-unti na Siyang nakilala ng tao. Ngayon lamang napagtatanto ng tao kung gaano kahanga-hanga ang paghatol ng Diyos. Ang hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi ay ang unang pangyayari ng gawain ng pagsumpa mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon. Ang tao ay isinumpa sa walang-hanggang kalaliman. Kung hindi iyon nagawa ng Diyos, wala sanang tunay na kaalaman ang tao tungkol sa Diyos ngayon; sa pamamagitan lamang ng pagsumpa ng Diyos tunay na naranasan ng tao ang Kanyang disposisyon. Inilantad ang tao sa pamamagitan ng pagsubok sa mga tagapagsilbi. Nakita Niya na ang katapatan nito ay hindi katanggap-tanggap, na ang tayog nito ay napakaliit, na wala itong kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, at na ang sinasabi nitong pagpapalugod sa Diyos sa lahat ng oras ay puro mga salita lamang. Bagama’t sa hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi ay isinumpa ng Diyos ang tao, kung gugunitain ngayon, ang hakbang ng gawaing yaon ng Diyos ay kahanga-hanga: Nagdulot ito ng isang malaking pagbabago para sa tao, at nagsanhi ng isang malaking pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Bago ang panahon ng mga tagapagsilbi, walang naunawaang anuman ang tao tungkol sa paghahangad sa buhay, kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, o ang karunungan ng gawain ng Diyos, at ni hindi niya naunawaan na maaaring subukin ng gawain ng Diyos ang tao. Mula sa panahon ng mga tagapagsilbi hanggang sa ngayon, nakikita ng tao kung gaano kamangha-mangha ang gawain ng Diyos—hindi ito maaarok ng tao—at hindi niya maisip kung paano gumagawa ang Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang utak, at nakikita rin niya kung gaano kaliit ang kanyang tayog at na napakatindi ng kanyang pagkasuwail. Nang isumpa ng Diyos ang tao, ito ay upang matamo ang isang epekto, at hindi Niya pinatay ang tao. Bagama’t isinumpa Niya ang tao, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita, at ang Kanyang mga sumpa ay hindi totoong sumapit sa tao, sapagkat ang isinumpa ng Diyos ay ang pagkasuwail ng tao, kaya nga ang mga salita ng Kanyang mga sumpa ay sinambit din upang gawing perpekto ang tao. Hinahatulan man ng Diyos ang tao o isinusumpa siya, parehong ginagawa nitong perpekto ang tao: Parehong ginagawa ito upang gawing perpekto yaong hindi dalisay sa kalooban ng tao. Sa pamamagitan ng kaparaanang ito ang tao ay pinipino, at yaong kulang sa kalooban ng tao ay ginagawang perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng gawain ang Diyos sa lumipas na mga kapanahunan na kagaya nito; sa ngayon, gumagawa Siya sa inyong kalooban kaya napahalagahan ninyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagtiis na kayo ng kaunting pagdurusa sa inyong kalooban, matatag at payapa ang inyong puso; inyong biyaya ang matamasa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, lahat ng inyong nakikita sa gawain ng Diyos sa inyo sa ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, ang kanyang mga kilos at sigla ay laging mananatiling paimbabaw, at ang kanyang disposisyon ay laging mananatiling hindi nagbabago. Maibibilang ba ito na nakamit ka na ng Diyos? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kayabangan at kapalaluan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinakikitunguhan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, darating ang araw na magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Sa oras na iyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa ngayon, may ilang taong nagsasabi na nauunawaan nila ang kalooban ng Diyos, ngunit hindi iyon masyadong makatotohanan, sa katunayan walang katuturan ang sinasabi nila, dahil sa kasalukuyan ay hindi pa nila nauunawaan kung ang kalooban ng Diyos ay upang iligtas ang tao o isumpa ang tao. Marahil ay hindi mo malinaw na nakikita ito sa ngayon, ngunit darating ang araw na makikita mo na dumating na ang araw ng pagluwalhati sa Diyos, at makikita mo kung gaano kamakabuluhan ang mahalin ang Diyos, kaya mauunawaan mo ang buhay ng tao at ang iyong laman ay mabubuhay sa mundo ng pagmamahal sa Diyos, kaya ang iyong espiritu ay lalaya, ang iyong buhay ay mapupuno ng galak, at lagi kang magiging malapit sa Diyos at aasa sa Kanya. Sa oras na iyon, tunay mong malalaman kung gaano kahalaga ang gawain ng Diyos sa ngayon.
Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at wala silang masyadong maaasahan. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang partikular na punto, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, wala kang kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng kalooban ng Diyos, na hindi ito kayang abutin ng tao. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat ng kaya ko sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong lalaki ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananampalataya at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kung mahal ng tao ang Diyos, hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong kaguluhan, sa mga panahong ito tunay kang aasa sa Diyos, at sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaliwin, at madarama mo ang katiyakan, at na mayroon kang isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo; nanaisin mong umawit, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagniig, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, usapin, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo, walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu kundi magiging api-apihan ka, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad na lumigaya, kundi mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay ginagamit ang pagmamahal sa Diyos upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa iyong kalooban ay may puso pa ring nagmamahal sa Diyos, na lubhang nasasabik at nangungulila sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng iyong pagmamahal sa Diyos, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit ka sa isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katotohanan ay magpapakita kung gaano mo talaga kamahal ang Diyos. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang kalooban, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Naniwala ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang magagawa kundi tahakin ang tamang landas, ang tamang landas na naakay kang tahakin ng mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang pagkukulang ng tao. Kailangang maranasan ng tao ang iba pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang iba pa sa buong pagpipino ng pagdurusang itinakda ng Diyos. Saka lamang magbabago ang disposisyon ng tao sa buhay.
----------------------------------------
Ang totoong kahulugan ng kaligtasan ay: Naniniwala tayo sa Panginoong Jesus, na tanging nangangahulugang naligtas tayo ng biyaya at napatawad na tayo sa ating kasalanan, ngunit hindi ito ang tunay na kaligtasan. Kung mararanasan lamang natin ang huling paghuhukom na gawain ng Diyos sa mga huling araw ay maaari tayong ganap na maligtas at makapasok sa kaharian ng Diyos!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento