Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?
Umiiral lamang sa tao ang hindi tiyak na salita ng pananampalataya, subalit hindi alam ng tao kung ano ang bumubuo sa pananampalataya, at lalo na kung bakit siya may pananampalataya. Masyadong maliit ang pang-unawa ng tao at ang tao mismo ay masyadong kulang; siya ay may pananampalataya lamang sa Akin nang wala sa isip at walang pagkaalam. Bagaman hindi niya nalalaman kung ano ang pananampalataya ni kung bakit siya may pananampalataya sa Akin, patuloy at masidhi niyang ginagawa. Ang hinihiling Ko sa tao ay hindi lamang para tawagin niya Ako nang masidhi sa ganitong paraan o maniwala sa Akin sa isang paraang magulo. Sapagkat ang Aking gawain ay para sa tao upang makita niya Ako at makilala Ako, hindi para mamangha at tingnan Ako ng tao nang may ibang pagkaunawa dahil sa Aking gawain. Dati Akong nagpamalas ng maraming tanda at himala at nagsagawa ng maraming milagro. Ang mga Israelita noong panahong iyon ay nagpakita sa Akin ng lubos na paghanga at lubhang sinamba ang Aking pambihirang kakayahang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Noong panahong iyon, inakala ng mga Judio na ang Aking kapangyarihan sa pagpapagaling ay pagka-dalubhasa at hindi pangkaraniwan. Dahil sa Aking maraming naturang gawain, itinuring nila Ako nang may respeto; nakaramdam sila ng malaking paghanga sa lahat ng Aking kapangyarihan. Kaya sinumang nakakita sa Aking gumawa ng mga milagro ay sinundan Ako nang mabuti, kung saan napalibutan Ako ng libu-libo upang panoorin Akong magpagaling ng maysakit. Nagpamalas Ako ng maraming tanda at himala, ngunit itinuring lamang Ako ng tao bilang isang dalubhasang manggagamot; nagsalita rin Ako ng maraming salita ng pagtuturo sa mga tao noong panahong iyon, ngunit itinuring lamang nila Ako bilang isang nakahihigit na guro sa kanyang mga disipulo! Maging sa araw na ito, matapos matunghayan ng mga tao ang pangkasaysayang tala ng Aking gawain, nagpapatuloy ang kanilang interpretasyon sa Akin bilang isang magaling na doktor na nagpapagaling ng maysakit at isang guro sa mga mangmang. At tinukoy nila Ako bilang ang mahabaging Panginoong Jesucristo. Ang mga nagbibigay kahulugan sa banal na kasulatan ay maaaring nalampasan ang Aking kakayahan sa pagpapagaling, o maaaring mga disipulo na dinaig pa ngayon ang kanilang mga guro, ngunit ang mga ganoong tao na may dakilang katanyagan, na ang mga pangalan ay kilala sa buong mundo, ay itinuturing Ako nang napakababa bilang isang hamak na manggagamot! Mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat ang Aking mga gawa, at mas lalong dakila pa kaysa sa lahat ng mga anak ni Solomon ang Aking karunungan, ngunit ang mga tao ay basta na lamang Akong pinapalagay bilang isang manggagamot na maliit ang kabuluhan at isang hindi kilalang guro ng tao! Gaano karami ang naniniwala sa Akin upang pagalingin lamang sila? Gaano karami ang naniniwala sa Akin para gamitin Ko lamang ang Aking kapangyarihan sa pagtaboy ng mga masasamang espiritu mula sa kanilang katawan? At gaano karami ang naniniwala sa Akin upang makatanggap lamang ng kapayapaan at kaligayahan mula sa Akin? Gaano karami ang naniniwala sa Akin upang hingan lamang Ako ng higit pang materyal na kayamanan, at gaano karami ang naniniwala sa Akin upang gugulin ang buhay na ito sa kaligtasan at upang maging ligtas at tiwasay sa mundong darating? Gaano karami ang naniniwala sa Akin para maiwasan lamang ang pagdurusa ng impiyerno at tumanggap ng mga pagpapala ng langit? Gaano karami ang naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang ginhawa ngunit hindi naghahangad na may makamit man lang sa mundong darating? Nang Ako ay naghatid ng Aking matinding galit sa tao at kinuha ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Nang ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, naging galit ang kahihiyan ng tao. Nang hinilingan Ako ng tao upang pagalingin siya, ngunit hindi Ko siya kinilala at nakadama ng pagkamuhi para sa kanya, ang tao ay lumayo mula sa Akin at hinangad ang paraan ng mga mangkukulam at mangbabarang. Nang inalis Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, sa gayon nangagsiwalaan ang lahat nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming pakinabang. Ang mga Judio ay naniwala sa Akin dahil sa Aking biyaya, at sumunod sa Akin saan man Ako nagtungo. Ang mga ignoranteng tao na ito na may limitadong kaalaman at karanasan ay hinanap lamang ang mga tanda at himala na ipinamalas Ko. Itinuring nila Ako bilang pinuno ng tahanan ng mga Hudyo na kayang gumawa ng mga pinaka-dakilang milagro. Samakatuwid, kapag pinalayas Ko ang mga demonyo mula sa mga tao, naguusap-usap sila na may malaking kalituhan, sinasabing Ako si Elias, Ako si Moises, na Ako ang pinaka-sinauna sa lahat ng mga propeta, na Ako ang pinakamagaling sa lahat ng mga manggagamot. Bukod sa Aking sarili na nagsasabing Ako ang buhay, ang daan at ang katotohanan, walang sinuman ang makaaalam ng Aking katauhan o ng Aking pagkakakilanlan. Bukod sa Aking sarili na nagsasabing ang langit ang lugar kung saan naninirahan ang Aking Ama, walang nakaalam na Ako ang Anak ng Diyos, at Diyos Mismo. Bukod sa Aking sarili na nagsasabing dadalhin Ko sa kaligtasan ang lahat ng sangkatauhan at tutubusin ang sangkatauhan, walang nakaalam na Ako ang Tagapagligtas ng sangkatauhan; kilala lang Ako ng tao bilang isang mabait at maawaing tao. At bukod sa Aking sarili na nagagawang ipaliwanag ang lahat ng tungkol sa Akin, walang nakakilala sa Akin, at walang naniwala na Ako ang Anak ng buhay na Diyos. Ang tao lang ang may ganitong paraan ng pananampalataya sa Akin, at nililinlang Ako sa ganitong paraan. Paanong magagawa ng tao na maging saksi sa Akin kapag taglay niya ang ganitong pananaw tungkol sa Akin?