Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Salita ng Diyos | Ang Ikadalawampu’t-isang Pagbigkas
Nahuhulog ang tao sa kalagitnaan ng Aking liwanag, at mabilis siyang nakakabangon dahil sa Aking kaligtasan. Noong dinala Ko ang kaligtasan sa buong sandaigdigan, sinusubukan ng tao na hanapin ang mga paraan upang makapasok sa daloy ng Aking pagpapanumbalik, ngunit marami ang mga natangay nang walang bakas sa malakas na agos ng panunumbalik na ito; marami ang mga nalunod at nilamon ng malakas na agos ng mga tubig; at marami rin ang nanatili sa gitna ng malakas na agos, na hindi kailanman nawalan ng kanilang diwa ng direksiyon, at sumunod sa malakas na agos hanggang ngayon. Humahakbang Ako kasabay ng tao, ngunit hindi pa rin niya Ako nakikilala; alam lamang niya ang mga panlabas Kong kasuotan, at wala siyang kaalam-alam sa mga kayamanan na nakatago sa Aking kaloob-looban. Kahit na tinutustusan Ko ang tao at nagbibigay Ako sa kanya sa bawat araw, hindi niya kaya ang tunay na pagtanggap, wala siyang kakayahang tanggapin ang lahat ng mga kayamanang ibinibigay Ko. Wala sa katiwalian ng tao ang nakakaiwas sa Aking paningin; para sa Akin, ang panloob na mundo niya ay katulad ng maliwanag na buwan sa tubig. Hindi Ako nakikipaglaro sa tao, ni hindi basta nakikisabay lang sa kanya; wala lang talagang kakayahan ang tao na panagutan ang kanyang sarili, at dahil dito palaging ubod ng sama ang buong sangkatauhan, at kahit ngayon nananatili siyang walang kakayahang lumaya mula sa naturang kasamaan. Kaawa-awa, kalunus-lunos na sangkatauhan! Bakit nga ba mahal Ako ng tao, ngunit hindi niya kayang sundin ang mga layunin ng Aking Espiritu? Talaga bang hindi Ko ibinunyag ang Aking Sarili sa sangkatauhan? Talaga bang hindi nakita kailanman ng sangkatauhan ang Aking mukha? Maaari kayang masyadong maliit ang awa na Aking ipinakita sa sangkatauhan? O ang mga rebelde ng buong sangkatauhan! Dapat silang mawasak sa ilalim ng Aking talampakan, dapat silang maglaho sa gitna ng Aking pagkastigo, at dapat, sa araw ng pagkakumpleto ng Aking dakilang plano, ay maitataboy sila mula sa kalagitnaan ng sangkatauhan, upang makita ng buong sangkatauhan ang pangit nilang pagmumukha. Bihirang makita ng tao ang Aking mukha o bihira niyang marinig ang Aking tinig dahil masyadong nakalilito ang buong mundo, at masyadong malakas ang ingay nito, at dahil dito naging masyadong tamad ang tao na hanapin ang Aking mukha at subukang unawain ang Aking puso. Hindi ba ito ang dahilan ng katiwalian ng tao? Hindi ba dahil dito kaya nangangailangan ang tao? Ang buong sangkatauhan ay palaging nasa gitna ng Aking pagtustos; kung di gayon, kung hindi Ako maawain, sino ang mabubuhay hanggang ngayon? Ang mga kayamanan na nasa Akin ay walang kapantay, ngunit ang lahat ng mga kalamidad ay nandito rin sa Aking mga kamay—at sino ang makaliligtas mula sa kalamidad kung kailan nila gusto? Ang mga panalangin ba ng tao ang magpapahintulot sa kanya upang gawin ito? O ang mga luha sa puso ng tao? Hindi kailanman tunay na nanalangin ang tao sa Akin, at dahil dito walang kahit isa sa buong sangkatauhan ang ganap na namuhay sa gitna ng liwanag ng katotohanan, at namuhay lamang ang mga tao sa gitna ng pasumpung-sumpong na paglitaw ng liwanag. Ito nga ang nagdulot sa pangangailangan ng sangkatauhan ngayon.
Masigasig sa pagkainip ang bawat isa, handa silang ibuhos ang lahat para sa Akin upang may mapala sila mula sa Akin, at dahil dito, sa pagsang-ayon sa sikolohiya ng tao, nagbibigay Ako sa kanya ng mga pangako upang udyukan ang tunay na pag-ibig sa kanya. Totoo bang ang tunay na pag-ibig ng tao ang nagbibigay sa kanya ng lakas? Ang katapatan ba ng tao sa Akin ang umantig sa Aking Espiritu sa langit? Hindi kailanman nakaapekto nang kahit kaunti sa langit ang mga pagkilos ng tao, at kung ang pagtrato Ko sa tao ay batay sa bawat pagkilos niya, ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa kalagitnaan ng Aking pagkastigo. Maraming mga tao ang nakita Kong may mga luhang dumadaloy sa kanilang mga pisngi, at maraming mga tao ang nakita Kong naghandog ng puso bilang kapalit ng mga kayamanan Ko. Sa kabila ng ganyang “kabanalan,” kailanman hindi Ko ibinigay nang ganap ang lahat Ko sa tao bilang resulta ng biglaan niyang mga simbuyo, dahil kailanman hindi inilaan ng tao ang kanyang sarili sa harapan Ko na nagkukusang may kagalakan. Tinanggal Ko ang mga maskara ng lahat ng mga tao at itinapon Ko ang mga maskarang ito sa lawa ng apoy, at bilang resulta, hindi nanatiling matibay ang ipinapalagay na katapatan at mga pagsamo ng tao sa harapan Ko. Ang tao ay parang isang ulap sa kalangitan: Kapag umugong ang hangin, kinatatakutan niya ang kalakasan ng pwersa nito at agad na lumulutang sa pagsunod dito, malalim ang takot niyang mapapabagsak siya dahil sa kanyang pagsuway. Hindi ba ganito ang pangit na mukha ng tao? Hindi ba ito ang kunwari’y tinatawag na pagkamasunurin ng tao? Hindi ba ito ang “tunay na pakiramdam” at huwad ng kabutihan ng tao? Maraming mga tao ang ayaw maniwala sa lahat ng mga salitang nagmumula sa Aking bibig, at marami ang ayaw tumanggap ng Aking pagsusuri, at dahil dito ipinagkakanulo ng mga salita at pagkilos nila ang mapaghimagsik nilang mga layunin. Salungat ba ang tinutukoy Ko sa lumang kalikasan ng tao? Hindi ba naaangkop ang ibinigay Kong sapat na kahulugan sa tao na ayon sa “mga batas ng kalikasan”? Hindi tunay na sumusunod sa Akin ang tao; kung tunay na hinanap niya Ako, hindi Ko na sana kailangang magsalita ng napakarami. Ang tao ay walang halagang basura, at kailangan Kong gamitin ang Aking pagkastigo upang pilitin siyang umusad; kung hindi Ko ginawa ito, paano—kahit sapat ang mga pangakong ibinibigay Ko sa kanya para sa kanyang kasiyahan—maaantig ang kanyang puso? Nabuhay ang tao sa gitna ng masakit na pagpupunyagi sa loob ng maraming taon; maaaring sabihin na palagi siyang nabubuhay sa kawalan ng pag-asa. Bilang resulta, naiwan siyang walang pag-asa, at pagod sa pisikal at sa pag-iisip, at dahil dito hindi niya masayang tinatanggap ang mga kasaganaang ibinibigay Ko sa kanya. Kahit ngayon, walang sinuman ang may kakayanang makatanggap sa lahat ng katamisan ng espiritung nagmula sa Akin. Mananatili na lamang mahirap ang mga tao, at hihintayin ang huling araw.
Maraming tao ang nais Akong mahalin nang tapat, ngunit dahil hindi nila pag-aari ang mga puso nila, wala silang kontrol sa kanilang mga sarili; maraming mga tao ang tunay na nagmamahal sa Akin sa kabila ng mga pagsubok na ibinigay Ko sa kanila, ngunit wala silang kakayahang intindihin na talagang umiiral Ako, at minamahal lang nila Ako sa gitna ng kawalan, at hindi dahil sa mismong pag-iral Ko; maraming mga tao ang pagkatapos ialay ang kanilang mga puso sa Akin ay isinasawalang bahala lang nila ito, kaya inaagaw ni Satanas ang mga puso nila sa tuwing may pagkakataon siya, pagkatapos nito ay nililisan na nila Ako; maraming mga tao ang tunay na nagmamahal sa Akin pagkaraan Kong ibigay ang Aking mga salita, ngunit hindi nila pinahahalagahan ang mga salita Ko sa kanilang mga espiritu, sa halip ay pangkaraniwan nilang ginagamit ito na parang pampublikong ari-arian at itinatapon nila ang mga ito sa kanilang pinanggalingan sa tuwing gusto nilang gawin. Hinahanap Ako ng tao sa kalagitnaan ng sakit, at tumitingala siya sa Akin sa gitna ng mga pagsubok. Tinatamasa niya Ako sa panahon ng kapayapaan, kapag nasa panganib ipinagkakaila niya Ako, nakakalimutan niya Ako kapag siya ay abala, at kapag tinatamad siya sumasabay lang siya sa agos para sa Akin—ngunit wala kailanman ang sinumang nagmahal sa Akin sa buong panahon ng kanilang buhay. Gusto Ko na maging taimtim ang tao sa harapan Ko: Hindi Ko hinihiling na magbigay siya ng anumang bagay sa Akin, ngunit seryosohin lamang sana Ako ng lahat ng mga tao, na sa halip na inililigaw Ako, hahayaan sana nila Akong ibalik ang katapatan ng tao. Tumatagos ang pagliliwanag, pagpapalinaw, at ang halaga ng mga pagsisikap Ko sa lahat ng tao, ngunit katotohanan na tumatagos rin ang bawat pagkilos ng tao sa kalagitnaan ng lahat ng tao, tumatagos sa panlilinlang nila sa Akin. Parang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kanya na mula pa sa sinapupunan, parang taglay na niya ang mga natatanging kasanayan sa panlilinlang mula kapanganakan. Ano pa, hindi niya kailanman ibinunyag ang plano; walang sinuman ang nakaaninag sa ugat ng mga kasanayan sa pandarayang ito. Bilang resulta, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang at wala man lang siyang kamalay-malay dito, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, na parang ang mga ito ay mga pagtatakda ng Diyos sa halip sinadyang panlilinlang niya sa Akin. Hindi ba ito ang pinakapinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba kanyang tusong gawain ito? Hindi Ako nalito kailanman ng mga pambobola at panlilinlang ng tao, dahil matagal Ko nang napagtanto ang kanyang diwa. Sino ang nakaaalam kung gaano karumi ang nasa dugo niya, at kung gaano karami ang kamandag ni Satanas sa kanyang kaibuturan? Mas lumalagong nasasanay ang tao dito sa bawat pagdaan ng araw, kaya wala na siyang malay sa mga kapighatiang dulot ni Satanas, at dahil dito wala na siyang pagkawiling hanapin ang “paraan ng isang malusog na pamumuhay.”
Kapag malayo ang tao sa Akin, at kapag sinusubok niya Ako, itinatago Ko ang Aking sarili mula sa kanya sa kalagitnaan ng mga ulap. Bilang resulta, wala siyang mahanap na anumang bakas Ko, at nabubuhay na lamang siya sa mga kamay ng mga masasama, ginagawa ang lahat ng hinihiling nila. Kapag malapit ang tao sa Akin, nagpapakita Ako sa kanya at hindi Ko itinatago ang Aking mukha sa kanya, at sa pagkakataong ito, nakikita ng tao ang mabait Kong mukha. Bigla siyang natatauhan, at bagaman hindi niya mapagtanto ito, nabubuo sa kanya ang pag-ibig sa Akin. Sa kanyang puso, bigla niyang nararamdaman ang walang kapantay na tamis, at nahihiwagaan siya kung paanong wala siyang malay sa pag-iral Ko sa sansinukob. Kaya nagkaroon ang tao ng mas malalim na pakiramdam sa Aking kagandahan, at, higit pa rito, sa Aking kahalagahan. Bilang resulta, kailanman ay ayaw na niya Akong iwanan, tumitingala siya sa Akin bilang liwanag ng kanyang kaligtasan, at, malalim ang takot niya na siya’y Aking iwanan, yumayakap siya sa Akin nang mahigpit. Hindi Ako naaantig ng kasigasigan ng tao, ngunit maawain Ako sa kanya dahil sa kanyang pag-ibig. Sa panahong ito, kaagad-agad nabubuhay ang tao sa gitna ng mga pagsubok Ko. Naglalaho ang Aking mukha sa kanyang puso, at agad niyang naramramdaman na walang saysay ang kanyang buhay at pinag-iisipan niyang kumawala. Sa sandaling ito, nalantad na hubad ang puso ng tao. Hindi niya Ako niyayakap dahil sa Aking disposisyon, ngunit hinihiling niya na ingatan Ko siya sa pamamagitan ng Aking pagmamahal. Ngunit kapag namintas ang pagmamahal Ko sa tao, nagbabago agad ang kanyang isipan; sinisira niya ang tipan niya sa Akin at sinusuway ang Aking paghatol, ayaw na niyang muli pang tumingin sa maawain Kong mukha, at kaya binabago niya ang pananaw niya tungkol sa Akin, at sasabihing kailanman ay hindi Ko iniligtas ang tao. Awa lang ba ang bumubuo sa tunay na pag-ibig? Minamahal lang ba Ako ng tao kung ang buhay niya ay nasa ilalim ng nagniningning na liwanag Ko? Lumilingon siya sa nakaraan ngunit nabubuhay siya sa kasalukuyan—hindi ba ganito ang kalagayan ng tao? Sadyang ganito pa rin ba kayo bukas? Gusto Kong magkaroon ang tao ng isang puso na ang kaibuturan ay nasasabik lamang sa Akin, hindi puso na nasisiyahan sa mga mabababaw na bagay.
Marso 21, 1992
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)
Ang pinagmulan:Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Mga Pagbigkas ng Bumalik na Panginoong Jesus
Pag-imbestiga sa Kidlat ng Silanganan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento