He Jun, Sichuan
Linggo Agosto 5, 2018. Makulimlim.
Pagkatapos ng pulong sa araw na ito, dumating ang isang kapatid na lalaki na naghahanap sa akin, ang kanyang mukha ay puno ng pangamba. Sinabi niya na hinihiling ng Diyos na magpakabanal ang mga tao, ngunit madalas siyang nagkakasala nang hindi sinasadya, at kung palagi siyang mabubuhay sa kasalanan ng ganito, kung gayon makapapasok ba siya sa kaharain ng langit pagdating ng Panginoon?
Sinabi ko sa kanya na ang Panginoong Jesus ay ipinako sa krus at na inako Niya Mismo ang lahat ng ating mga kasalanan, tinumbasan ng Kanyang buhay. Sinabi ko na ang ating mga kasalanan ay ipinatawad dahil sa ating pananampalataya sa Panginoong Jesus, at na hindi na tayo itinuturing ng Panginoon bilang mga makasalanan, at na hangga’t maisusuko natin ang lahat at gugulin ang ating mga sarili, magtrabaho nang husto para sa Panginoon, at magtiis hanggang sa wakas, kung gayon tayo ay aakyat sa kaharian ng langit sa pagbabalik ng Panginoon. Pagkatapos marinig ng kapatid na sinabi ko ang ganito, tumingin siya na parang hindi niya nakuha ang gusto niyang sagot, at umalis siya na tila nabigo. Habang tinitingnan ko siyang papalayo, nakadama ako ng napakahirap unawain na mga emosyon. Sa totoo lang, hindi ba magkaprehas ang mga pangamba namin ng kapatid? Iniisip kung paanong naniwala ako sa Diyos sa maraming taon ngunit madalas na nakagapos sa kasalanan, at nabubuhay sa isang kalagayan kung saan nagkakasala ako sa araw at nagkukumpisal sa gabi, hindi ko rin ginustong manatiling nabubuhay sa paraang iyon. Ngunit wala talaga akong kakayahang mapagtagumpayan ang kasalanan, kaya madalas akong manalangin sa Panginoon, at pinatibay ang aking pagbabasa ng mga kasulatan. At gayunma’y hindi ko kailanman nalutas ang suliranin ng aking mga kasalanan. Ang Panginoon ay banal, kaya pararangalan ba Niya ang isang tao na kagaya ko, na puno ng kasalanan?
Martes Agosto 7, 2018. Makulimlim.
Nag-away kami ng aking asawa sa araw na ito dahil sa isang walang kuwentang bagay, at ako ay kapwa sising-sisi at naguguluhan. Paano nangyaring inuulit ko ang mga dati kong mga kamalian? Sa gabing ito, tumangis ako habang nananalangin sa Panginoon at ikinumpisal ang aking mga kasalanan, at pagkatapos kong manalangin, naguguluhan pa rin ako. Naalala ko ang mga turo ng Panginoon: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37-39). Pangunahing hinihingi sa atin ng mga salitang ito na ibigin natin ang Diyos ng buong puso at ng ating buong kaluluwa, at pangalawa kailangan nating ibigin ang iba kagaya sa ating mga sarili; dapat palakasin ng mga kapatid ang loob ng isa’t-isa, maging mapagpigil at matiyaga sa isa’t-isa at bigyang kaginhawaan at kaaliwan ang isa’t-isa. Ito ay isang bagay na dapat nating gawin bilang mga Kristiyano, at sa ganitong paraan lamang natin maisasabuhay ang mga buhay na nakalulugod sa Panginoon at nagpapatotoo sa Kanya. Subalit sa nakaraang mga taon ng aking pananampalataya sa Panginoon, hindi ko pa narating ang isang kinakailangan na ito: Kapag nasa bahay, minsan nag-aaway kami ng aking asawa dahil sa maliliit na bagay; kapag nasa iglesia naman nagsasalita ang mga kapatid ng mga bagay na mapapahiya ako, nagsisimula na akong makadama ng panghuhusga laban sa kanila, at minsan hindi ko pa sila pinapansin. Kadalasan, nananalangin ako na sinasabing nais kong ibigin ang Panginoon. Ngunit kapag mayroong hindi magandang nangyayari sa bahay o isang aksidente ang nagaganap, naipagkakamali ko pa rin at sinisisi ang Panginoon, iniisip na “Ginugol ko ang aking sarili para sa Panginoon bakit hindi Niya ako pinoprotektahan? …” Oh, Walang anuman sa ginagawa ko ang nakatutugon sa kinakailangan ng Diyos ni umaayon sa kalooban ng Diyos. Bagamat madalas akong nananalangin sa Panginoon, madalas pa rin akong nagkakasala, at hindi ko ito mapigilan gaano ko man ito gustuhin. Madalas kong iniisip, “Bagamat ang aking mga kasalanan ay pinatawad dahil sa aking pananampalataya sa Panginoon, palagi pa rin akong nagkakasala at pinagdaramdam ang Panginoon, Kung magpapatuloy ako sa ganitong paraan, makapapasok ba ako sa kaharian ng langit pagdating ng Panginoon? Paano ako makahihinto sa pagkakasala?
Kailan lang, madalas kong sangguniin ang Biblia, at hinanap ang mga pastor at ang matatanda, ngunit hindi ako nakakuha kailanman ng kasiya-siyang sagot. Ang usaping ito ay may tuwirang kaugnayan sa mahalagang bagay ukol sa kung makapapasok ba ako o hindi sa kaharian ng langit, at hindi ko ito mapakakawalan anuman ang mangyari. Sinabi ng Panginoon: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). Naniniwala ako na, hanggat’t mayroon akong pusong naghahangad, sa gayon tiyak na liliwanagan ako ng Panginoon.
Linggo Agosto 12, 2018. Makulimlim.
Sa umagang ito, pagkatapos ng isang maalab na panalangin sa Panginoon, kagaya ng dati, binuksan ko ang Biblia at sinimulan ang aking panatang espirituwal. Saka ako nagbasa ng isang talata sa Pahayag na bumagabag sa aking puso: “At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero” (Pahayag 21:27). Malinaw na sinasabi sa atin ng Biblia na ang mga hindi nalinis sa atin ay hindi makapapasok dito, at hindi ba’t ang “dito” na ito ay tumutukoy sa kaharian ng langit? Pagkatapos ay binasa ko ang kabanata 7, talatang 21 sa Ebanghelyo ni Mateo: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” At maging ang Juan 8:34-35 na nagsasabing, “Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa’t nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man.” Habang binubulay ko ang mga talatang ito ng Banal na Kasulatan, naisip kong, bagamat nanalangin ako sa Panginoon at binabasa ang Biblia araw-araw sa loob ng maraming taong ito ng aking paniniwala sa Panginoon, at madalas kong ipinalalaganap ang ebanghelyo at gumawa, isinuko ang mga bagay at ginugol ang aking sarili para sa Kanya, sinasadya ko pa ring magkasala, nagkakasala ako at pagkatapos ay nangungumpisal, at hindi ako makapaninindigan sa mga turo ng Panginoon o naisasagawa ang mga hinihiling ng Panginoon. Maliwanag na hindi ako ang tao na ginagawa ang kalooban ng Ama na nasa langit, lalong hindi ako ang taong nalinis na, kaya makapapasok pa rin ba ako sa kaharian ng langit? Ang kaharian ng langit ay kaharian ng Diyos at ang Diyos ay banal, kaya paanong magiging karapat-dapat ang isang taong puno ng karumihan at palaging nagkakasala na makapasok sa kaharian ng langit at mamuhay kasama ng Diyos? Tila ang pagpasok sa kaharian ng langit ay hindi ganoon kasimple na kagaya ng iniisip natin!
Makapapasok ba Tayo sa Kaharian ng Langit Ngayong ang Ating mga Kasalanan ay Pinatawad na?
Lunes Agosto 13, 2018. Makulimlim nagbibigay-daan sa araw
Ngayong araw, nakasalubong ko ang kapatid na Zheng, na hindi ko nakita sa matagal na panahon, at masaya talaga ako na makita siya. Habang kami ay nag-uusap, nabanggit ko ang bagay na bumabagabag sa akin sa mahabang panahon. Pagkatapos kong sabihin sa kanya ang tungkol dito, nagbahagi sa akin ang kapatid na Zheng, na sinasabing, “Ang mga kasalanan ng tao ay pinatawad nang ang Panginoong Jesus ay ipinako sa krus, at nang tayo ay naniwala sa Panginoon, ang ating mga kasalanan ay pinatawad at tayo ay naligtas. Ngunit ano ba talaga ang ibig sabihin ng pinatawad ang ating mga kasalanan? Kung mauunawaan natin ang usaping ito, kung gayon ay malalaman natin kung bakit nagkakasala pa rin tayo kahit pagkatapos nating maniwala sa Panginoon at pinatawad na ang ating mga kasalanan. Pagdating sa kung makapapasok ba tayo o hindi sa kaharian ng langit, tingnan muna natin ang nasa likod ng pagpapakita at gawain ng Panginoon. Sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, ang tao ay lalo pang mas pinasama ni Satanas at nakagagawa ng lalo pang mas maraming mga kasalanan, anupa’t wala ng anumang handog para sa kasalanan na kanilang magagawang sapat na pagbabayad-sala para sa kanilang mga kasalanan, at ang mga tao ay nanganganib na mahatulan at masentensyahan ng kamatayan ng kautusan sa panahong iyon. Laban sa tagpong ito, ang Diyos ay naging tao sa katauhan ng Panginoong Jesus at ipinako sa krus bilang isang handog sa kasalanan para sa mga tao, at sa gayon ang mga kasalanan ng tao ay pinatawad minsan at magpakailanman. Pagkatapos noon, hangga’t nananalangin ang mga tao, nagkukumpisal at nagsisisi sa pangalan ng Panginoon, kung gayon ang kanilang mga kasalanan ay pinatatawad, at hindi na sila sasailalim pa sa paghatol at pagpaparusa ng kautusan. Hindi na itinuring ng Diyos na makasalanan ang tao, at ang mga tao ay tuwirang nakapapanalangin at nakatatawag sa Diyos, at tinatamasa ang masaganang biyaya ng Diyos at ang Kanyang paglalaan ng katotohanan. Makikita mula rito na ang ating mga kasalanan ay pinatawad dahil sa ating paniniwala sa Panginoon. At na ang ibig sabihin ng ‘ang ating mga kasalanan ay pinatawad’ ay simple lamang na pinatawad ng Diyos ang ating kasalanan ng paglabag sa Kanyang mga kautusan at mga utos at sa pagsalangsang sa Kanyang mga salita. Na ang ibig sabihin, hindi maaalala ng Panginoon ang ating makasalanang mga gawa ng paglabag at pagkakasala sa mga kautusan ng Diyos. Ngunit ang ating mala-satanas na mga disposisyon at makasalanang kalikasan, na nagiging sanhi upang tayo ay magkasala, ay hindi pa pinatawad ng Diyos, at ito ay tiyak na dahil sa ang ating makasalanang kalikasan at mala-satanas na mga disposisyon na lumalaban sa Diyos ay patuloy na umiiral na may kakayahan pa rin tayong magkasala nang madalas. Maaaring makita kung gayon na ang ating makasalanang kalikasan na lubos na lumalaban sa Diyos at sumasalungat sa katotohanan, at kung hindi natin malulutas ang makasalanan nating kalikasan, kung gayon ang suliranin ng mga kasalanan ng tao ay magiging imposible na malutas, at maaari pa tayong makagawa ng mga kasalanan na mas malala pa kaysa sa paglabag sa kautusan, at ang pagpasok sa kaharian ng Diyos ay lubos na imposibleng mangyari. Malinaw na sinasabi sa Biblia: ‘Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; Sapagka’t nasusulat, Kayo’y mangagpakabanal; sapagka’t ako’y banal’ (1 Pedro 1:15-16). ‘Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway’ (Mga Hebreo 10:26-27), ‘Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan’ (Roma 6:23). Nakita ko mula sa mga talatang ito na kung ang ating makasalanang kalikasan ay mananatiling hindi nalulutas, at nabubuhay pa rin tayo sa kalagayan kung saan nagkakasala tayo sa araw at nagkukumpisal sa gabi, kung gayon bagamat maaaring tayo ay maniwala sa Diyos hanggang sa wakas, mamamatay pa rin tayo, sapagkat ang Diyos ay banal, at ang sangkatauhan na marumi at pinasama ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala at mga pangako ng Diyos, at hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
Sa ngayon, medyo maaliwalas na ang nadadama ng aking puso, at nauunawaan ko na ang pinatawad nating mga kasalanan ay nangangahulugan lamang na pinatawad ng Panginoon ang ating makasalanang mga gawa sa paglabag sa mga kautusan ng Diyos. Ngunit hindi pa natin nalutas ang ating makasalanang kalikasan na lumalaban sa Diyos, kaya hindi nakapagtataka na hindi ko ito malulutas gaano ko man naisin, kung nabubuhay ako araw-araw sa kalagayang nagkakasala sa araw at nagkukumpisal sa gabi! Salamat sa Panginoon! Ang pagbabahagi na aking tinanggap sa araw na ito ay napakalinaw talaga, at nadadama ko na parang ang mga ulap ay lumampas at nakikita ko na sa wakas ang bughaw na kalawakan. Nang paalis na ako, binigyan ako ng aklat ni kapatid na Zheng at sinabi na ang lahat ng kanyang pagkaunawa ay nagmula sa pagbabasa ng aklat na ito, at ako ay nagalak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento